Dormitorio, sabak sa World bike tilt
SASABAK si Asian Mountainbike Series Champion Ariana Dormitorio sa World MTB Championships sa Setyembre 9 sa Cairns, Australia.
Mapapalaban ang 20-anyos na multi-medalist sa kanyang unang larga sa world stage sa pagsikad ng female Under-23 Cross Country event.
Ayon sa kanyang coach at ama na si Donjie, isang taon nilang pinaghandaan ang torneo kung saan sumailalim sa matinding ensayo at nutrition diet ang nangungunang mountain biker sa bansa para masiguro ang matikas na kampanya sa torneo.
Sa panayam ng Sports Radio kamakailan, sinabi ni Donjie na naitala ni Ariana ang average speed na 14.8 kilometer per hour, ilang sikad lamang nang layo sa 15kph na world standard.
Makakaharap ni Ariana ang mga batikang mountain biker na kinabibilangan ng kanyang idolo na si three-time World Cup Under 23 champion Kate Courtney ng United States.
Samantala, tumulak patungong Vietnam ang Philippine Navy Standard Insurance Road team para sumabak sa 14-stage V-T-V Tour of Vietnam.
Binubuo ang koponan nina Jan Paul Morales, Ronald Oranza, Rudy Roque, John Mark Camingao, Ronald Lomotos, El Joshua, at Daniel Carino.
Kabilang ang Pilipinas sa apat na foreign team na kinabibilangan din ng
CCN-Laos, Infinite-Singapore, at Geumsan CelloSKorea.
Kumpiyansa si Navy mentor Reinhard Gorantes sa magiging kampanya ng koponan na aniya’y nakapaghanda nang mabuti para sa torneo.