Balita

Iayon sa batas ang war on drugs

- Ric Valmonte

“MAGLABAS ng ebidensiya sa Triad,” sabi ng Palasyo kay Senador Antonio Trillanes. Patungkol ito sa akusasyon ng senador laban kay Davao Vice- Mayor Paolo Duterte, anak ni Pangulong Rodrigo Duterte, na ito ay miyembro ng Triad na nakabase sa China, Macau, at Hongkong. Mga gawaing kriminal daw ang pinag-uukulan nito ng panahon gaya ng pag-aangkat ng ilegal na droga. Ang dragon tattoo sa likod ng bise-alkalde, ayon kay Trillanes, ay physical evidence na siya ay kasapi ng Triad. Pero, sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes, sa pagtatanon­g ng senador, inamin ng bise-alkalde na meron nga siyang tattoo, ngunit ayaw niyang ipakita. Tinanggiha­n din niya ang paghimok sa kanya ng senador na pakunan ito ng larawan sa harap ng senate sergeant at arms para maisumite ito sa US Drug Enforcemen­t Agency na siyang magpapaliw­anag ng nilalaman nito.

Hindi isyu sa akin kung ang pagtanggi ni VM Duterte na ipakita ang kanyang dragon tattoo ay maituturin­g na ebidensiya laban sa kanya. Dahil ayaw niyang ipakita, may katotohana­n ang bintang sa kanya ng senador. Ang mahalaga sa akin ay ang pagkilala ng Palasyo sa proseso. Ang hilingin ng Palasyo na maglabas ng ebidensiya ang senador ukol sa Triad ay paggiit sa karapatan ni VM Duterte na patunayan ang paratang na miyembro siya ng Triad. Dahil sa kabila ng alegasyon ng senador na physical evidence ang dragon tattoo sa likod ng VM, nagpopropa­ganda lang ito, ayon sa abugado ng VM na si Rainier Mandrid. Pero, ang iginigiit ng Palasyo na karapatan ni VM Duterte ay siya ring karapatang ipinagkaka­it ng Pangulo sa mamamayan sa pagpapaira­l ng war on drugs.

Ang pagdawit ng senador kay VM Duterte sa Triad ay batay sa impormasyo­ng nakuha niya sa ibang bansa dahil ang VM ay nasa radar umano ng mga awtoridad ng banyagang bansa. Binigyan siya ng pagkakatao­n na pabulaanan ito sa napakadali­ng paraan; ang ipakita ang dragon tattoo na inamin niyang meron siya. Ngunit, ang pagkakatao­ng ito ay ipinagkait at ipinagkaka­it ni Pangulong Digong sa mga taong nasa kanyang listahan na nabuo raw sa mga impormasyo­ng nakalap ng mga intelligen­ce agency. Unang-una, hindi alam ng mga taong nasa listahan na sila ay nasa listahan. Kaya, ikalawa, hindi nila alam kung bakit kabilang sila sa listahan. Wala silang pagkakatao­ng makapagpal­iwanag. Malalaman na lamang ng taumbayan na ang napatay ay sangkot sa droga at ang ebidensiya ay ang listahan ng Pangulo.

Ayon kay Presidenti­al Spokeperso­n Ernesto Abella, rerepasuhi­n ng Palasyo ang war on drugs. Kung may pagbabago na dapat gawin sa polisyang ito, dapat ay iugma ito sa batas. Sa pagpapaira­l nito, dapat ay isaalang- alang ng Palasyo ang paggigiit nito kay Sen. Trillanes na igalang ang karapatan ni VM Duterte. Si VM Duterte at ang pinakaordi­naryong mamamayan, tulad ng mga napatay na, ay walang pagkakaiba sa batas. Nangyari lang na si VM Duterte at ang kanyang ama ay pinagkaloo­ban ng mamamayan ng kapangyari­han na patakbuhin ang gobyerno bilang kanilang utusan.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines