NCAA swimming, winalis ng Bedans
PINATATAG ng San Beda College ang pangingibabaw sa tatlong dibisyon pagkaraan ng dalawang araw ng NCAA Season 93 swimming competition sa Rizal Memorial Sports Complex pool sa Manila.
Lalo pang umarya ang San Beda Sea Lions, Lady Sea Lions at Sea Cubs sa mga pinakamalapit nilang mga katunggali.
Makaraan ang dalawang araw, lumayo na ng milya - milya ang Sea Lions makaraang humakot ng kabuuang 727 puntos , 470 puntos ang agwat sa pumapangalawang College of St. Benilde na may 257 puntos at 581 puntos ang distansya sa pumapangatlong Arellano University na nakatipon ng 146 puntos.
Nanalasa upang ipagpatuloy ang dominasyon ng Sea Lions sina Anthony Navarro, Michael Sangalang at Luis Evangelista na nagtala ng 1-2-3 finish sa men’s 400m individual medley na dinuplika naman nina Edmund Villa del Rey, Evangelista at Christopher Wing na tumapos ding 1-2-3 sa men’s 200m backstroke bukod pa sa 1-2 finish nina Joshua Junsay at John Henry Gurango sa 100m butterfly.
Sa women’s division, nakalikom ang Lady Sea Lions ng 630.5 puntos para umagwat sa pumapangalawang CSB Lady Blazers na may 429.5 puntos at pumapangatlong Arellano Lady Chiefs na may 88 puntos.
Muling nanguna para sa koponan sina Chloe Ingrid Medina, Christianne Jerez at Elizabeth Belarmino na nagtapos na 1-2-3 sa women’s 200m backstroke kasama sina Katrina Mae Garcia at River Gail Salonga na nagtapos namang 1- 2 sa women’s 400m individual medley.
Samantala sa junior division, halos kalahati na ang kalamangan ng Sea Cubs na mayroon na ngayong 534 puntos sa pumapangalawang CSB-La Salle Greenhills na may 256.5 puntos na nakaungos sa dating pumapangalawang Jose University na bumagsak sa ikatlong puwesto sa natipong 187.5 puntos.