Balita

Pulis, 2 pa nirapido sa inuman

- Mary Ann Santiago

Tatlong katao, kabilang ang isang pulis, ang nasawi nang pagbabaril­in ng limang lalaki habang nag-iinuman sa Tondo, Manila, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ang mga biktimang sina PO2 Ron- Ron Reyes, 35, nakatalaga sa Cainta Rizal Police Provincial Office, at taga-Humabon Street; Allan Azores, 41, service crew, ng San Ignacio Street; at Rodrigo Sevilla, Jr., 56, ng Malunggay Street, pawang sa Tondo.

Kaagad namang tumakas ang limang hindi nakilalang suspek matapos na isagawa ang pamamaril.

Batay sa imbestigas­yon ni SPO1 Joseph Kabigting, ng Manila Police District- Crimes Against Persons Investigat­ion Section (CAPIS), nabatid na nangyari ang pagpatay dakong 9: 30 ng gabi sa panulukan ng Humabon at Malunggay Street sa Tondo.

Nauna rito, 5: 00 ng hapon pa lang ay nagsimula nang maginuman ang mga biktima, kasama ang ilang kaibigan, sa naturang lugar, hanggang sa lapitan sila ng isa pa nilang kaibigan.

Ayon sa lumapit na kaibigan, may limang lalaking kahina-hinala ang kilos na umaaligid sa kanilang lugar, nakasuot ang mga ito ng hooded jacket at nakasombre­ro.

Gayunman, hindi pinansin ng mga biktima ang kaibigan hanggang sa tatlo na lamang silang maiwan sa inuman nang magsiuwi na ang iba pa.

Pagsapit ng 9:30 ng gabi ay nakarinig na lamang ng sunudsunod na putok ng baril ang nagsiuwing kainuman ng mga biktima hanggang sa malaman nilang pinagbabar­il na pala ang tatlo, at kaagad na nakatakas ang mga salarin.

Ayon naman kay Ramon Pedrozo, kagawad ng Barangay 103, Zone 8, hindi nakuhanan ng CCTV camera sa lugar ang insidente dahil nagkataong sira ito.

Inaalam pa ang pagkakakil­anlan ng mga suspek at ang motibo sa pagpatay.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines