Impeachment laban kay Sereno
MAY200 kongresista ang handang lumagda sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno. Ito ang pahayag ni Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez. Kapag ito’y nagkatotoo, tuluy-tuloy na ipadadala ang reklamo sa Senado upang litisin si Sereno.
Tiniyak ni Speaker Bebot kay CJ Sereno na hindi matutulad ang sitwasyon niya sa situwasyon noon ni ex-Supreme Court Chief Justice Renato Corona na inapura ang paglagda sa reklamo (hindi nga raw nabasa ng mga solon ang impeachment complaint). Na-impeach ng Kamara si yumaong Corona matapos lumagda ang 185 kongresista na pawang alyado ni exPres. Noynoy Aquino noong 2011.
Ayon kay Alvarez, labis-labis ang bilang ng mambabatas para ma-impeach ang babaeng Chief Justice at litisin din agad ng Senado. Gayunman, nais ng Speaker na may sapat na ebidensiya laban kay Sereno hindi katulad ng nangyari noon sa kawawang ex-Chief Justice na naghanap pa ng mga ebidensiya ang mga kongresista at hiniya si Corona sa publiko. Sa dakong huli, bukod sa ipinahiya sa publiko, si Corona ay na-convict ng Senado na pinamunuan ni ex-Sen. Pres. Juan Ponce Enrile.
Ngayon, Lunes (Setyembre 11), ang ika100 taong pagsilang ni ex-Pres. Ferdinand E. Marcos (Sept. 11, 1917-2017), ang tanging pangulo ng demokratikong Pilipinas na naging DIKTADOR. Ipagdiriwang ngayon ng Marcos Family ang birth centennial ni FM sa Libingan ng Mga Bayani. Ayon kay Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na nag-organisa sa pagdiriwang sa kapanganakan ng mahal na ama, ito ay magiging isang family affair lamang kasama ang mga kaibigan at panauhin.
Binulungan ako ng kaibigang journalist kung dadalo sa okasyon si President Rodrigo Roa Duterte (PRRD). Alam niya kasing idolo ni Mano Digong si FM. Tinugon ko siya ng abangan, abangan lang natin. Hindi ba si PDU30 rin ang nagpasimuno para malibing ang kanyang idolo sa Libingan ng Mga Bayani?
Kung ang mga impeachment complaint laban kina CJ Sereno at Comelec Chairman Andres Bautista ay mukhang patuloy ang pag-usad sa Kamara dahil may mga kongresista na nag-eendorso, mukhang tuloy din ang “pakikipagbuno” nina ex-Vice Pres. Jejomar Binay at exMakati City Mayor Junjun Binay sa kasong anomalya o kurapsiyon kaugnay ng konstruksiyon ng Makati City hall car park building.
Iniutos ng Sandiganbayan ang paglilitis sa mag-amang Binay matapos makatagpo ng sapat na basehan upang ituloy ang paglilitis laban kay VP Binay hinggil umano sa iregularidad sa unang yugto ng konstruksiyon ng Makati City hall car park nang siya pa ang mayor ng Makati City. Ang third division ng Sandigan ay nakatagpo rin ng probable cause laban kay Junjun Binay, noon ay konsehal pa at naging alkalde kasama ang 17 iba pang pinuno ng lungsod at dalawang pribadong indibiduwal.
Kinumpirma ng Sandigan ang indicment ng Ombudsman at natagpuang “more likely than not” ang mga krimen ng malversation, palsipikasyon ng mga dokumentong pampubliko at paglabag sa Section 3 (e) ng Anti-graft and Corrupt practices.
Mukhang nasa fighting mood ngayon ang Sandiganbayan. Iniutos din nito ang pagdakip kay Nur Misuari, dating ARMM governor, dahil sa kasong graft o katiwalian. Nag-isyu ng 3rd division ng Sandiganbayan ng apat na arrest warrants matapos nitong ibasura ang motion to dismiss ng mga kaso. Ang kaso ni Misuari, ex-MNLF chief, ay para sa dalawang count bawat isa ng graft at paglustay ng pondong pambayan na nagkakahalaga ng P115 milyon.
Tinanong ako ng kaibigang palabiro pero sarkastiko: “Sasaklolohan kaya siya ni Pangulong Duterte na kaibigan niya at nag-aanyaya pa sa kanya sa Malacañang?” Aba, ewan ko!