Totoy ni- rape, kinatay ng tiyuhin
IPINAGSIKSIKAN SA BAG
Inaresto ng mga pulis ang isang drug suspect makaraan umano niyang halayin at patayin sa saksak ang dalawa’t kalahating taon niyang pamangking lalaki na ang bangkay ay ipinagsiksikan niya sa isang bag tsaka iniwan ito sa terminal ng mga sasakyan sa Muntinlupa City nitong Sabado, ayon sa Southern Police District (SPD).
Kinilala ni SPD director, Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr. ang suspek na si Edgardo Mendoza, 29, tiyuhin ng biktima na taga-Villa Doña Donata sa Barangay Alabang, Muntinlupa.
Batay sa paunang imbestigasyon, natuklasan ng security guard na si Leonil Ledesma ang isang abandonadong bag sa JVT Parking sa South Station Terminal sa Alabang bandang 2:55 ng hapon.
Dahil sa mabahong amoy na sumisingaw sa bag, kaagad siyang nagpatulong sa pulis para mabuksan ito hanggang tumambad sa kanila ang duguang bangkay ng bata na nakabalot sa puting tela. Ayon sa pulisya, maraming tama ng saksak ang katawan ng paslit.
Makalipas ang ilang minuto, dumating sa lugar ang suspek at sinabing ipinapasyal niya ang pamangkin nang mawaglit ito sa kanya. Kinailangan umano niyang magbanyo at inihabilin niya ang bata sa isang estrangherong babae, ngunit naglaho na umano ito kasama ang kanyang pamangkin.
Gayunman, naghinala ang mga pulis nang mapansin nila ang duguang pantalon ng suspek, kaya inaresto nila ito. Sa interrogation, tuluyang inamin ni Mendoza na siya ang pumatay sa bata.
Ayon kay Chief Supt. Apolinario, dumating sa presinto ang kapatid na babae ni Mendoza at ina ng paslit, gayundin ang lola ng bata at kinumpirma ang pagkakakilanlan ng magtiyuhin.
Nabatid na sa bahay ng biktima nakikitira ang suspek kaya naman pinayagan ng kapatid na ipasyal ni Mendoza ang anak.
Batay sa imbestigasyon, dinala umano ni Mendoza sa isang motel sa Alabang ang bata, pinainom ito ng gatas na may halong pintura, bago ginahasa at pinagsasaksak.
Dagdag pa ni Chief Supt. Apolinario, kinumpirma ng ina ng paslit na dating adik sa droga ang suspek, at dati rin umanong may sakit sa pag-iisip na minsan pa ngang nagtangkang magpakamatay.