Balita

8 sugatan sa tumagilid na jeep

- Mary Ann Santiago

Walong pasahero ang nasugatan nang tumagilid ang sinasakyan nilang jeepney sa Barangay Ugong, Pasig City, kahapon ng umaga.

Isinugod sa The Medical City at Rizal Medical Center sina Gym Hill Pelle, 32, ng Las Piñas City; Charinal Dexter Bulanda, 20, ng Antipolo City; Ramona Bicondo, 61, ng Pasig City; Loreto Inocencio, Jr., 50, ng Taytay; Yasmin Estabaya Silo, 57, ng Mandaluyon­g City; John Shaprach Silo, ng Mandaluyon­g City; Estephen Grado, 21, ng Pasig City; at Manuel Ramos, 60, ng Mandaluyon­g City, upang malapatan ng lunas sa mga tinamong pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Batay sa ulat ng Pasig City Police, dakong 9:00 ng umaga nang mangyari ang aksidente sa Ortigas Avenue, paglampas lamang ng The Medical City.

Ayon sa traffic enforcer na si Bonifacio Semolava Jr., mabilis at paekis-ekis umano ang takbo ng jeepney (DVC-479) na may rutang Binangonan, at minamaneho ni Terrence John Namoro, 22, ng Binangonan.

Sumalpok ang jeepney sa gilid ng kalsada hanggang sa tuluyan itong tumagilid.

Sinabi ni Semolava na nagtangka pa umanong tumakas ang jeepney driver ngunit kaagad itong nahabol at inaresto ng mga rumesponde­ng tauhan ng Metropolit­an Manila Developmen­t Authority (MMDA).

Dinala na ang driver sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD) para maimbestig­ahan, at kakasuhan ng reckless imprudence resulting to multiple physical injuries.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines