TAMBULISLIS
Ika-14 na labas
SAMANTALA, tulad ng maraming batang natupad ang pinapangarap at kinasasabikang pangyayari sa buhay, madalas paksa ng pag-uusap nina Gary at Arman ang pakikipaglaro at pakikipagkaibigan sa kanila ng nilikhang tambulilis.
Kabilang sa natatanging katangian ng nilikha ang labis na hilig sa pangingiliti sa simumang taong nakatuwaang biruin kahit tulog o gising. At dahil sa hilig na ito ng mga tambulislis, naniniwala ang mga tagabarangay na kagagawan ng nilikha ang kamatayan ni Omeng, isang lalaking dumayo sa barangay Bayan-bayan para makipagtrabahuhan sa malawak na niyugan ni Don Andres.
“Ikukuwento ba natin sa ating mga kababata ang pakikipaglaro sa atin ng mga tambulislis?” Tanong ni Arman. “Dapat lang,” sagot ni Gary. “Bakit?” Tanong ni Arman. “Para mainggit sila at magpilit ding magkaroon ng kalaro at kaibigang tambulislis,” sagot ni Gary.
“Sige, sabihin natin kanilang may nakalaro at naging kaibigan tayong tambulislis,” wika ni Arman. “Iinggitin natin sila!”
At muli, habang nagpapastol ng kalabaw, tuloy sila Gary at Arman sa kuwentuhan sa mga nilikha. Dahil tulad ng maraming bata, itinuring nila ang pangyayaring isang natatanging karanasan sa buhay na dapat ipagmalaki at ikuwento sa mga kababata at kalaro. At tiyak din nina Gary at Arman, hindi lang sa mga kalaro nila at kababata ikukuwento ang natatanging karanasan, pati rin sa ibang batang makikilala at makakalaro pagsapit ng pasukan.
At ang isa pa nilang tiyak, patuloy nilang ikukuwento ang natatanging karanasan sa buhay sa pagbibinata, pagiging magulang at pagtanda tulad ng kanilang lolo at lola na nagkuwento tungkol sa mga tambulislis. Kaya ng mabusog ang pinapastulang kalabaw nila Gary at Arman, hinila ang alagang hayop para isilong sa malaking punong manggang hindi kalayuan sa kanilang bahay.
“Punta na tayo sa sentro ng barangay, ikukuwento natin sa ating mga kababata ang karanasan natin sa tambulislis,” wika ni Gary.
“Sige,” sagot ni Arman. “Ngunit paano kung hindi sila maniwala sa kuwento natin?”
“Tiyak na maniniwala sila sa kuwento natin,” sagot ni Arman.
“Pano natiyak?” Tanong ni Gary.
“Tiyak na maniniwala sila sa atin dahil maikukuwento natin ng makatotohananang ating karanasan sa tambulislis. At higit sa lahat, maisasalarawan sa kanila ng buong-buo ang hitsura ng nilikhang ito,” paliwanag ni Arman.
“Tama ang paliwanag mo, Arman,” sagot ni Gary. “Tiyak na maniniwala sa atin ang ating mga kababata sa sentro ng barangay at iba pang batang dumayo roon!”
At tuloy-tuloy naglakad sina Gary at Arman patungo sa sentro ng barangay. Kabilang pa sa dahilan ng pagpunta ng mga bata sa lugar ang gagawing pagpapalipad ng saranggola sa panahon ng tag-araw. Dito nila ginagawa ang libangang ito dahil walang punong niyog na makakahadlang sa paglipad ng saranggola sa papawiring halos walang ulap sa tanghali sa panahon ng tag-araw.
Isang libangang ginawa ng halos lahat ng mga batang lalaking isinilang sa barangay Bayan-bayan dahil kay Mang Edgardo na naging libangan ang paggawa ng libre ng saranggola sa mga batang mahilig sa ganitong laruan. Hindi rin hadlang sa pagpapalipad nila ng saranggola ang mga nakatirik na gusaling pampubliko tulad ng pamahalaang barangay, day care center, health center at iba pang nakatirik sa lugar na nagbibigay ng kaukulang serbisyo sa taga-barangay Bayan-bayan.
Itutuloy...