Itigil ang war on drugs at ang mga pagpatay
AYON kay Pangulong Duterte, may posibilidad daw na sinasabotahe ang operasyon ng pulisya sa pagpapairal ng kanyang war on drugs. “Nais kong malaman ninyo,” sabi niya, “na ang napatay na si Carl Arnaiz ay kamag-anak ko. Ipapatay ko ba sa pulis ang aking kamag-anak?” tanong niya. Pero, ayon sa balita, hindi niya sinabi kung paano niya naging kamag-anak si Arnaiz.
Ang pakiwari ng Pangulo na sinasabotahe ang kanyang kampanya laban sa droga ay dahil sa magkakasunod na pagpatay kina Kian Loyd delos Santos, Carl Angelo Arnaiz, at Reynaldo de Guzman.
Kung totoo na kamag-anak ng Pangulo si Carl Angelo, dapat ay itigil na niya ang kanyang war on drugs. Dapat noong una pa lang ay nalaman na niyang magbubunga ito ng ganito. Na kahit inosenteng sibilyan, bata man o matanda, ay mapapahamak sa gagawing operasyon ng mga pulis laban sa droga. Hindi naman kasi siya mismo ang magpapairal ng proyekto kundi mga taong maaaring ang layunin ay iba sa kanya.
Isa pa, tama si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ang bansa ay hindi mo puwedeng pamahalaan sa pamamagitan ng pagpatay.
Dahil mga bata ang mga biktima, at isa nga rito ay kamag-anak pa ng Pangulo, pananabotahe kayang maituturing sa operasyon ng pulisya sa pagpapairal ng war on drugs ang pagpatay sa mga ito? Ang pagpatay kina Kian at Carl, kung paniniwalaan mo ang mga pulis, ay naaayon sa bilin ng Pangulo sa kanila: Kapag nanlaban ang kanilang hinuhuli at nanganib ang kanilang buhay, patayin nila ang mga ito kaysa sila ang mapatay.
Ganito ang katwiran ng mga pulis na pumatay sa dalawang bata. Pinaputukan daw sila ng mga ito at wala silang nagawa kundi ang gumanti. Sa tabi ng kanilang bangkay ay may mga baril na, ayon sa mga pulis, ay ginamit ng mga ito laban sa kanila.
Ang problema, sa kaso ni Kian, may mga testigong nakakita na minaltrato ito at kinaladkad ng dalawang pulis sa madilim na lugar at doon binaril. Sa CCTV footage nakita ang dalawang pulis na may kinakaladkad silang tao.
Sa autopsy na ginawa ng forensic chemist ng Public Attorneys’ Office sa bangkay ng dalawang bata, may nakita itong mga pasa sa mga bahagi ng kanilang katawan at may tama ng mga bala sa kanilang ulo. Aniya, binaril ang dalawa habang nakaluhod o nakahiga.
Sa palagay kaya ninyo, kung wala iyong mga ebidensiyang pinabubulaanan ang dahilan ng mga pulis kung bakit nila napatay sina Kian at Carl, madadala kaya sa Department of Justice ang kanilang mga kaso para papanagutin ang mga responsable sa pagpatay sa kanila?
Ipapangalandakan kaya ng Pangulo na si Carl Angelo ay kamag-anak niya? Kamag-anak niya na napatay dahil sa sangkot ito sa droga?
Pagsasabotahe man o hindi ang pagpatay sa mga bata ay kailangan nang itigil ang war on drugs dahil ito ang sangkalan ng marami nang napatay at magiging sangkalan pa sa mga mapapatay.