Balita

Sentenaryo ni Marcos ‘generally peaceful’

- Francis T. Wakefield, Bella Gamotea at Rommel P. Tabbad

Naging mapayapa ang paggunita sa ika-100 kaarawan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) sa Taguig City kahapon, ayon sa Philippine Army.

Sinabi ni Army spokesman Lt. Col. Rey Tiongson, nagtapos ang mga aktibidad dakong 11:45 ng umaga.

Ayon Southern Police District (SPD), may 250 bisita ang dumalo sa pagdiriwan­g na kinatampuk­an ng Misa, maikling programa at tanghalian. Kabilang sa mga dumating sina dating Pangulo at Manila Mayor Joseph Estrada at Iraqi Ambassador Ahmed Al Kuwin, at iba pang malalapit na kaibigan ng pamilya Marcos.

May 300 sundalo ang itinalaga sa lugar para tulungan ang 300 pulis na tiyakin ang seguridad sa okasyon.

Tinatayang 200 rallyista na kontra Marcos ang nagdaos ng programa sa labas ng LNMB at umalis din pagkatapos. Tinapatan sila ng 150 loyalista ni Marcos na dumating na nakasuot ng puting kamiseta.

Inilarawan ni SPD Director, Chief Supt. Tomas Apolinario Jr. na “generally peaceful” ang paggunita sa LNMB dahil walang naitalang insidente at pag-aresto, maliban sa tulakan ng mga kontra at pabor kay Marcos, na kaagad namang napigilan ng kanilang puwersa.

Ang ilang kontra Marcos ay sumugod sa Bantayog ng mga Bayani sa Barangay Pinyahan, Quezon City bitbit ang mga bandila na may nakasulat na, “No Deal With the Marcoses” at “No To Dictatorsh­ip”. Nagsabit sila ng kulay itim at pulang damit sa lugar.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines