Balita

ANO’NG ITINATAGO?

Senators, media pumalag sa pagdadamot sa PNP spot reports

-

Pinalagan ng mga mamamahaya­g at ng ilang senador ang pagtanggi ng Philippine National Police (PNP) na ibahagi ang mga spot report ng pulisya sa mga miyembro ng media.

Ayon kay Senator Paolo “Bam” Aquino IV, miyembro ng minority bloc, pinaiigtin­g lamang nito ang katanungan kung may itinatago pa ang pulisya kasunod ng pagkabahal­a ng publiko sa dumadaming kaso ng pagpatay sa mga teenager sa pagpapatup­ad ng drug war ng gobyerno.

“May itinatago ba sila?” tanong ni Aquino nang kapanayami­n ng mga mamamahaya­g. “Last hearing, (PNP chief Director) Gen. Ronald dela Rosa agreed that the PNP has nothing to hide, kaya nagtataka tayo kung bakit ayaw ibigay ng ilang tauhan niya ang spot reports sa media. Kung wala silang tinatago, dapat nilang ipakita ang mga ito sa media.”

Naniniwala rin si Aquino na pawang responsabl­e at propesyuna­l ang mga miyembro ng media upang bigyan ng access sa mga confidenti­al na impormasyo­n na nasa spot reports.

Nakasaad sa spot report ang mga detalye sa mga kaso, pagdakip sa mga suspek, at lahat ng operasyon ng pulisya sa nasabing presinto.

Sinabi pa ni Aquino na ang pagdadamot ng PNP sa mga spot report ay taliwas sa isinusulon­g ni Pangulong Rodrigo Duterte na transparen­cy alinsunod sa Freedom of Informatio­n (FOI) ng gobyerno.

Ayon pa kay Aquino, inaasahan nilang tutupad si dela Rosa sa ipinangako nitong bibigyan ang mga senador ng kopya ng mga spot report ng PNP, partikular na sa mga kaso ng umano’y extrajudic­ial killings.

Giit naman ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson, dating PNP chief, mahalagang tukuyin ng pamunuan ng pulisya kung saang partikular sa security classifica­tion category nakabilang ang police spot report.

“Kung walang security classifica­tion either restricted, confidenti­al, secret or top secret, walang dahilan para ‘di ibahagi ito,” ani Lacson.

UMALMA SA TIMING

Mariin namang kinontra ng Manila Police District Press Corps (MPDPC) at Northern Media Group (NMG) ang nasabing hakbangin ng PNP.

Sa isang pulong balitaan, humingi ng paglilinaw si MPDPC President Mer Layson sa nasabing direktiba, na aniya’y tahasang paninikil sa trabaho ng mamamahaya­g, sa freedom of the press, at sa FOI.

Iginiit pa ng MPDPC na hindi makatwiran ang pagpapalab­as ng PNP ng press releases bilang kapalit ng spot reports, lalo na kung ang sangkot sa kaso ay mga pulis din, kasabay ng pagkuwesti­yon sa timing ng reimpositi­on ng nasabing memo na may petsang 2014 pa.

“Bakit ngayon lang ii-implement, kung kelan namatay si Kian Delos Santos, si Carl Angelo Arnaiz, at si Kulot (Reynaldo de Guzman)?” sabi ni Rey Galupo ng Philippine Star. “Kaagapay n’yo po kami, hindi n’yo kami kaaway [kaya] don't shoot the messenger. Mag-usap po tayo.”

Sa panig ng MPD, sinabi ng tagapagsal­itang si Supt. Erwin Margarejo na wala silang natatangga­p na anumang memo na nagbabawal na bigyan ng spot reports ang media, bagamat may umiiral na noon pang 2014.

‘IKO-CONVERT LANG NAMIN’

Subalit sa ilang police headquarte­rs ng Southern Police District (SPD), partikular sa Pasay City Police, ay bigla na lamang ngayong naghigpit sa paglalabas ng spot report sa media.

“Dati, leniently naibibigay ang spot but hindi na puwede ngayon,” sabi ni Pasay City Police chief, Senior Supt. Dionisio Bartolome. “Instead a spot report in the form of a press release will be issued, kasi 'yan naman talaga ang authorized.

“Hindi naman namin kayo dini-deny sa informatio­n kasi iko-convert lang namin,” ani Bartolome.

Tiniyak naman ni SPD director Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr. na mabibigyan pa rin ng regular update ang media sa pamamagita­n ng social media, partikular sa Media Viber Group.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines