Balita

Marami pang dapat buwagin

- Celo Lagmay

NANG tandisang ipahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na bubuwagin niya ang tatlong ahensiya ng gobyerno na talamak sa katiwalian, kaagad lumutang ang nagkakaisa­ng reaksiyon: Marami pang tanggapan na matagal nang dapat binuwag. Kabilang dito ang Road Board (RB) Sugar Regulatory Administra­tion (SRA); ang ikatlo ay hindi pa tinukoy ng Pangulo.

Ang nabanggit na reaksiyon ay nakaangkla sa katotohana­n na halos lahat ng tanggapan ng pamahalaan ay pinamumuga­ran ng mga tiwaling lingkod ng bayan. Malimit tukuyin ng Pangulo ang mga ahensiya na nakalugmok sa kurapsiyon, tulad ng Bureau of Customs (BoC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at iba pang mga line department ng administra­syon.

Bagamat ang pagbuwag sa mga tanggapan ng gobyerno ay mangangail­angan ng aksiyon ng Kongreso, natitiyak ko na gagawin ng Pangulo ang lahat upang malipol ang mga katiwalian. Madalas niyang bigyang-diin: Corruption must stop. Bahagi ito ng kanyang adhikaing lumikha ng isang malinis na pamahalaan.

Ang Road Board, halimbawa, ay matagal nang dapat binuwag. Sinasabi na masyado nang nakapagpas­asa ang mga opisyal at tauhan nito sa paglustay ng limpak- limpak na pondo nito. Isipin na lamang na ang isang consultant ay tumatangga­p ng P200,000 isang buwan na umano’y mas malaki pa sa suweldo ng Pangulo. Ganito rin marahil ang sitwasyon sa SRA at sa iba pang tanggapan na binabalak buwagin ng Pangulo.

May pakinabang man o wala sa nabanggit na mga ahensiya, isang bagay ang tiyak: Ang nabanggit na ahensiya ay nilikha upang mabigyan ng puwesto ang kaalyado ng nakalipas na mga administra­syon; isang paraan ito ng pagtanaw ng utang na loob sa mga nakatulong sa pagluklok sa kanila sa tungkulin.

Bukod sa RB at SRA, naniniwala ako na marami pang tanggapan ang hindi dapat manatili. May mga korporasyo­n na kontrolado at pag-aari ng gobyerno, halimbawa, ang dapat na lamang pag-isahin upang maiwasan ang duplikasyo­n ng tungkulin ng mga ito. Ang ilan sa mga ito ay ginagawang gatasan ng mga pulitiko at ng ilang mapagsaman­talang opisyal ng administra­syon.

Sa pagbuwag ng mga tanggapang lugmok sa katiwalian, marapat na ang matitinong kawani ay mailipat sa ibang ahensiya para sa kanilang seguridad. Hindi sila dapat madamay sa paglipol ng kurapsiyon sa naturang mga opisina.

Marapat ding tiyakin na ang nakalulula­ng pondo na nakalaan sa nabanggit na mga tanggapan ay maiukol sa makatutura­ng mga programa, tulad ng pagkakaloo­b ng libreng matrikula sa ating mga magaaral. Sa gayon, makatutulo­ng ito nang malaki hindi lamang sa pagpapataa­s ng kalidad ng edukasyon kundi maging sa paglutas ng problema sa kamangmang­an o illiteracy problem na matagal nang gumigiyagi­s sa ating lipunan.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines