Bagong testigo sa Carl slay lumantad

Balita - - Pangunahing Pahina - Orly L. Barcala

Isa na namang witness ang lumutangatsinabingmagkakasama sina Carl Angelo Arnaiz, Reynaldo de Guzman, taxi driver na si Tomas Bagcal at ang dalawang pulis-Caloocan noong gabing naganap ang krimen.

Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa kanto ng Dagat-Dagatan Extension at C-3 Road, Barangay 28, inilahad ng bagong testigo na noong Agosto 18, 2017, may dumating na tatlong lalaki na lulan sa motorsiklo na sinusundan ng isang “R&E” taxi na minamaneho ni Bagcal, ang taxi driver na hinoldap umano ni Arnaiz, dakong 3:00 ng madaling araw.

Ayon sa testigo, sumakay si PO1 Jefrey Perez sa harap ng taxi at magkatabi naman sa likod ang 14anyos na si De Guzman at 19-anyos na si Arnaiz.

Sinabi ng testigo na ang lalaking napanaood sa CCTV footage na bumaba mula sa taxi ay si PO1 Perez at may kausap ito sa telepono.

Makalipas ang ilang minuto, bumalik sa taxi si PO1 Perez at kinausap si Bagcal at muling sumakay.

Pagsapit ng 4:00 ng madaling araw, umalis umano ang taxi papuntang C-3 Road at nakasakay pa rin sina Arnaiz at De Guzman at isang lalaking taga-Barangay 28.

Maya-maya pa ay nakarinig umano ang testigo ng dalawang putok ng baril at nagdesisyong puntahan ang pinanggalingan ng putok hanggang sa nakita nito sina PO1 Perez, Bagcal, iba pang mga pulis na pawang nakasibilyan, kasama ang mga barangay tanod, gayundin ang isang lalaki na duguang nakabulagta sa damuhan.

“Nakiusyoso po ako at narinig ko sa mga pulis na may isa raw holdaper na nakatakas,” kuwento pa ng testigo.

Ayon pa sa witness, huli niyang nakitang buhay si De Guzman sa loob ng police mobile sa C-3 Road noong Setyembre 1. Hanggang sa napanood niya sa telebisyon na patay na ito nang makita sa isang ilog sa Nueva Ecija.

“Nakahanda po akong tumestigo basta masiguro ko lang ang aking seguridad… para mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng mga biktima,” pahayag ng witness.

Nasa pangangalaga ngayon ng Public Attorney’s Office (PAO) ang testigo at ilalagay sa witness protection program ng Department of Justice (DoJ) para sa kanyang kaligtasan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.