NegOcc councilor, 2 pa binistay

Balita - - News - Mark L. Garcia

BACOLOD CITY – Magkasamang pinatay ng mga hindi nakilalang armado ang konsehal ng bayan ng Salvador Benedicto sa Negros Occidental at kanyang live-in partner, gayundin ang kanyang bodyguard, sa Barangay Lopez Jaena sa bayan ng Murcia, nitong Biyernes.

Bandang 9:30 ng umaga ng Biyernes nang atakehin si Salvador Benedicto Councilor Eden Bacordo, 39; umano’y kinakasama niyang si Lea May Saldua, 39; at si Arnold Larida, alyas “Anoy”, 38, job order employee ng munisipyo at pinaniniwalaang bodyguard ni Bacordo, sa ginawang bahay ng konsehal, ayon kay Senior Insp. Ronald Santillan, hepe ng Murcia Police.

Apat na lalaking armado ng M-16 Armalite at M-1 Garand rifle ang nagsagawa umano ng krimen, habang dalawa pa ang nagsilbing lookout.

Ayon kay Senior Insp. Santillan, madalas na dumadalaw sa lugar sina Bacordo at Saldua, at idinagdag na sa mismong pag-atake ay tinangka umano ni Saldua na harangan ang konsehal sa mga pag-atake at nagmakaawa para rito.

Gayunman, pinagbabaril din ng mga suspek sina Saldua at Larida, bago muling binalikan si Bacordo upang tiyaking mamamatay ito, ayon kay Senior Insp. Santillan.

Nasa 34 na basyo ng bala ng M-16 at M-1 Garand ang natagpuan sa lugar ng krimen.

Kabilang si Bacordo sa 11 kinasuhan ng murder sa pagpatay kay Charlie Boli-Boli, leader ng Revolutionary Proletarian ArmyAlex Boncayao Brigade, noong Hulyo 8 sa Barangay Bago sa Salvador Benedicto.

Gayunman, inako ng NPA Roselyn Pelle Command ang pamamaslang kay Boli-Boli, batay sa pahayag na inilabas ng kilusan sa media.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Willy Bacordo, pinsan ng konsehal, na sinabi nito sa kanya na wala itong kinalaman sa kaso at maraming testigong maihaharap upang patunayan ito.

Ayon kay Senior Insp. Santillan, tinitingnan nilang anggulo ang kaso ng pagpatay kay Boli-Boli at ang relasyon nina Saldua at Bacordo bilang mga posibleng motibo sa pamamaslang sa tatlo.

Si Bacordo ay anak ng dating NPA leader na si Vicente “Oti” Bacordo, na chairman ngayon ng Bgy. Bagong Silang sa Salvador Benedicto.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.