Shabu, galing sa China hindi sa NBP

Balita - - Opinyon - Bert de Guzman

AKALA ng taumbayan, ang shabu na salot sa lipunang-Pilipino at sumisira sa utak ng mga kabataan (pati na ng matatanda) ay talagang sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) niluluto, ginagawa, pinoproseso upang ipagbili sa labas ng Munti at pagkakitaan ng limpak-limpak ng mga tarantadong drug lords at big-time shabu suppliers.

Naniniwala ang mga tao sa pahayag noon ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na ang bilangguan ang pinakamalaking gawaan o pabrika ng shabu. Ito ay nasa ilalim ng Department of Justice (DoJ) na noon ay pinamumunuan ni Senador Liela de Lima. Dahil dito, nagpursige ang Duterte administration na isangkot si De Lima sa umano’y illegal drug trade sa NBP sa layuning makakolekta ng milyun-milyong pisong galing sa illegal drugs sa pamamagitan ng mga sentensiyadong drug lord at convicted felon.

Nagawang paharapin ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II ang mga drug lord na nakapiit sa NBP upang tumestigo sa House committee on justice para idiin si De Lima at patunayang pinangungulekta sila (drug lords) ng drug money para gamitin o gastusin sa kanyang pagtakbo sa pagka-senador sa 2016.

Maging ang hukuman sa Muntinlupa City na roon ay inihain ang kaso laban sa senadora ay sumangayon na talagang dapat papanagutin ang may “balls” na kritiko ni Mano Digong. Dahil dito, nag- isyu ng warrant of arrest laban kay De Lima at noong Pebrero 2017, siya ay dinakip at ikinulong sa Camp Crame.

Sa ngayon, lumilitaw na ang malalaking bulto ng shabu ay hindi pala sa bilangguan o NBP ginagawa at niluluto tulad ng bintang noon ni PDU30 kundi ang mga ito ay galing sa China at ipinalulusot sa Bureau of Customs (BoC) sa pakikipagsabuwatan umano ng matataas na opisyal at tauhan ng ahensiya.

Sumabog ang kurapsiyon at drug smuggling sa BoC nang madiskubre noong Mayo ang ipinuslit na P6.4 bilyong halaga ng shabu na natagpuan at nasamsam sa isang bodega sa Valenzuela City. Dahil dito, napilitang magbitiw si BoC Commissioner Nicanor FAeldon na umano’y sangkot sa anomalya. Mahigpit niya itong itinanggi pero may mga dokumento si Sen. Panfilo Lacson na tumutukoy na siya ay sangkot at tumanggap pa umano ng P100 milyong “pasalubong” bilang bagong komisyoner.

Samantala, bunsod ng sunudsunod na pagpatay sa mga teenager o kabataan, sinabi ni PRRD na ang kanyang kampanya laban sa illegal drugs ay sinasabotahe. May hinala siyang may isang grupo na sumasabotahe sa giyera sa bawal na droga. Kabilang sa napatay na kabataan kaugnay ng operasyon ng mga tauhan ni Gen. Bato laban sa ilegal na droga ay sina Kian Loyd delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo de Guzman.

Pahayag ng Pangulo: “There is somebody that is orchestrating something to destroy us. It is intentional. It is sabotage.” Sinabi nito ni Pres. Rody sa harap ni Gen. Bato na kasama niyang dumalo sa ika-17 anibersaryo ng selebrasyon ng Digos City sa Davao del Sur.

Hindi tinukoy ni Mano Digong ang sino mang tao o grupo na nasa likod ng mga pagpatay na sumisira sa police operations laban sa illegal drugs. Inatasan niya si Gen. Bato na hanapin at kilalanin ang grupo o indibiduwal na nasa likod ng pananabotahe sa giyera sa droga.

May payo ang kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Napatunayang galing sa China ang mga shabu na nakapupuslit sa Customs, eh bakit hindi niya pakiusapan ang kaibigang Chinese Pres. Xi Jinping na kontrolin ang pagpupuslit ng shabu patungo sa Pilipinas?”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.