Karapatang pantao

Balita - - Opinyon - Fr. Anton Pascual

KAPANALIG, gaano ba kahalaga ang karapatang pantao? Ito ba, tulad ng sinabi ng karamihan sa ating mga kinatawan sa kongreso, ay isang libo lamang? Ang ganitong pagkilos ng mga kongresista ay may hatid na malaking mensahe sa ating lipunan. Ang intelligence fund ng ating administrasyon ay umabot ng P2.5 bilyon ngayong 2017. Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), ito ay para sa laban kontra droga ng administrasyon. Ang budget naman ng PNP ay mahigit P11 milyon. Handa pa rin ang kongreso na magbigay ng malaking budget para sa mga ito, pero para sa Commission on Human Rights (CHR), isang libo lamang.

Tila araw- araw ay nabibigla ang lipunan. Tila bawat araw may panibagong pagyurak sa karapatang pantao. Pero tila sukol tayo. Parang mas marami ang hindi nakauunawa kung ano nga ba ang Commission on Human Rights, at kung ano ang magagawa nito para sa atin.

Ang CHR ay isang independent na ahensiya na nilikha sa ilalim ng 1987 Constitution. Ang pangunahing gawain nito ay imbestigahan ang lahat ng uri ng paglabag sa mga human rights na may kaugnayan sa civil at political rights ng bawat Pilipino. Nagbibigay din ang CHR ng akmang legal measures upang mabigyan ng proteksiyon ang karapatang pantao ng bawat Pilipino sa loob at labas ng bansa. Nagbibigay din ito ng preventive measures at legal aid services sa mga maralitang nangangailangan ng proteksiyon o kaya ay nalabag ang karapatang pantao. Ilan lamang ito sa kanilang misyon. Mahalaga, hindi ba?

Ngunit bakit marami sa atin ang tila hindi nakauunawa kung ano ang importansiya ng mga gawaing ito? Nakapagtataka na mismong mga kinatawan ng mga mamamayan sa kongreso, ang ating mga tinitingalang lider, ang nangunguna sa pagtutuligsa sa isang institusyong itinaguyod upang bigyan ng proteksiyon ang naaapi?

Mahirap lumaban sa isang lipunan na hindi nakauunawa o nakararamdam sa halaga ng karapatang pantao. Mahirap makipagtunggali sa isang mundo kung saan hindi naiintindihan ng nakararami na lahat tayo ay may karapatang pantao, at dapat itong bigyan ng respeto.

Ang Rerum Novarum, bahagi ng Panlipunang Turo ng Simbahan, ay may angkop na gabay sa ating lahat, ngayong panahong tila sinasakluban ng kadiliman ang ating mga isip at puso: Ang karapatang pantao ay dapat lamang nating respetuhin. Katungkulan din ng mga pampublikong awtoridad na supilin at parusahan ang anumang paglabag sa karapatang pantao. Ang Pacem in Terris, ay may mahalaga ring paalala: Ang maayos na lipunan ay nangangailangan ng mga taong kumikilala at sumasabuhay sa kanilang mga karapatan at katungkulan.

Kung nais natin ng maayos na lipunan, kailangan nating bukas-palad na mag-ambag sa pagtataguyod ng isang mundo kung saan ang ating mga karapatan at katungkulan ay nirerespeto at isinasakatuparan. Kung pikit mata tayo sa paglabag ng karapatan ng iba, nalalapit na ang araw kung kailan ang ating karapatan tao ay matatapakan na rin.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.