TAMBULISLIS
Ika-20 labas
“PAANO kayo nakapaglaro ng araw na ‘yun, gayung umulan ng malakas at kung hindi ako nagkakamali, may lumitaw pang bahaghari,” wika ni Popoy.
“Tama, umulan noon at may lumitaw na bahaghari,” sagot ni Arman. “Hindi ba ninyo alam na gano’ng panahon ang gusto ng mga tambulilis para maglaro?”
“Tama, ganong panahon ang gusto ng mga tambulislis para maglaro,” sangayon ng isa pang bata. “Dahil sa kuwento ng lolo ko, umuulan at may bahaghari ng makalaro niya ang mga tambulislis!”
“Nakakainggit ang karanasan ninyo,” wika ng isa pang bata. “Kaya mula ngayon kapag umulan at may lumitaw na bahaghari, maliligo ako sa ulan para may makalarong tambulislis!”
“Ako rin,” sagot ng isa pang bata. “Gustong-gusto ko ring may makalarong tambulislis at mas maganda kung magiging kaibigan!”
“Hindi lang namin nakalaro ang mga tambulislis, naging kaibigan din naming,” paliwanag ni Arman. “Dahil sabi nila bago umalis, muli raw silang babalik para makipaglaro sa amin!”
“May pangalan ba ang mga tambulislis?” Tanong ni Popoy.
“Tulad din sila ng tao, may pangalan,” sagot ni Gary. “Malut ang pangalan nu’ng lider ng tambulislis ngunit hindi ko na natandaan ang pangalan n’ung iba!”
Dahil sa sinabing pangalan ni Gary ng isang tambulislis, lalong tumibay ang paniniwala ni Mang Edgardo na may nakalaro at naging kaibigang tambulislis ang dalawang batang anak ng kapitbahay. At dahil nagkainteres din siyang kausapin sina Gary at Arman tungkol sa mga tambulislis, kaagad niyang nilapitan ang dalawa ng magbalik ang mga batang nagpapalipad ng saranggola sa kinaroonan ng dulo ng tali ng pinalipad na laruan. Ang mga nanunuod, muli ring nagbalik sa lugar kung saan sila nanunuod. At dahil nakatirik ang bahay ni Mang Edgardo hindi kalayuan sa bahay nina Arman at Gary, agad nakipag-usap ang magkababata sa may-edad na lalaki.
“Pumunta kamo sa direksyon ng malagong kawayanan ang mga tambulislis ng umalis dahil darating sina Abe at Aldo?” Tanong ni Mang Edgardo.
“Oho,” sagot ni Gary. “Ganu’n ho pala ang mga tambulislis, may pambihirang kapangyarihang malaman kung may dumarating na tao!”
“Hindi lang ‘yun ang kapangyarihan ng tambulislis, marami pa. Ngunit dahil likas na mahilig makipaglaro at makipagkaibigan sa tao, hindi ito ginagamit kaya hindi alam ng mga tao ang ibang kapangyarihan ng nilikhang ito,” paliwanag ni Mang Edgardo.
“Mang Edgardo, totoo ho kaya ang usap-usapang may kinalaman ang mga tambulislis sa kamatayan ni Mang Omeng? ‘Yun tagaibang lugar na tumutulong sa pagkokopra?” Tanong ni Gary.
“Ako, naniniwalang may kinalaman ang tambulislis sa pagkamatay ni Omeng, ngunit hindi ako naniniwalang sinadya siyang patayin ng mga nilikha,” sagot ni Mang Edgardo.
“Bakit ho?” Nagtatakang tanong ni Arman.
At para mabigyan ng lubos at ganap na kasagutan ang tanong ng dalawang bata, nagkuwento rin si Mang Edgardo sa mga nalalalaman niya sa nilikha. Ayon sa kuwento ni Mang Edgardo, hindi kalikasan ng mga tambulislis ang manakit ng tao kahit nakagawa ng masama o laban sa kagustuhan ng nilikha. Ipinaliwanag niya kina Arman at Gary na kaya pinaghinalaan ng mga tao sa barangay na may kinalaman ang mga tambulislis sa kamatayan ni Omeng sa dahilang masaya ang mukha at nakangiti ng matagpuang patay sa papag niyang tulugan sa koprahan.
Ayon pa kay Mang Edgardo, tiyak niyang natuwa lamang husto ang mga tambulislis sa trabahador na mula sa ibang lugar, kaya kiniliti ng kiniliti at dahil may sakit sa puso, namatay sa ginawang kalokohan ng mga tambulislis.
Itutuloy...