Balita

Lanao Norte Police nag-sorry sa ‘massacre’

- Ni BONITA L. ERMAC

TUBOD, Lanao del Norte – “Hindi namin sinasadya, that was purely accident.”

Ito ang naging paliwanag ng Lanao del Norte Police Provincial Office ( LNPPO) sa isang press conference kaugnay ng operasyon ng pulisya nitong Setyembre 11 sa Barangay Taguranao, Tubod, Lanao del Norte, na nagresulta sa pagkasawi ng isang maganak.

Ayon sa Tubod Municipal Police, magsisilbi sana ang mga tauhan ng LNPPO-Special Weapon and Tactics (SWAT) ng arrest warrant laban kay Bevino Laride, alyas “Junjun”, sa kasong frustrated murder, subalit nanlaban umano si Laride.

Nakasaad sa police report na pirmado ni Senior Insp. Roland Donor, hepe ng Tubod Police, na si Laride “seriously resisted and successful­ly fired several times against the assaulting SWAT team, prompting the assaulting team to retaliate and fatally hit the accused causing his instantane­os death together with his live-in partner Virginia Delibo and five-month old son who was lying beside him who were unintentio­nally hit by a stray bullet”.

Hindi binanggit sa report kung ilang basyo ng bala ang nakuha sa crime scene, pero sinabi ng kapatid ni Laride na si Jocelyn Laride Jimenez, 42, na may 37 tama ng bala si Bevino sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon kay Jocelyn, 12 tama ng bala naman ang natamo ng asawa ni Bevino na si Virginia Laride, habang sa puwet nabaril ang sanggol na si Rex Jun Laride, batay na rin sa pahayag ng mga tauhan sa morgue na pinagdalha­n sa mag-anak.

Nasugatan naman sa engkuwento si PO1 Yasser Macatbar makaraang mabaril sa kaliwang binti, at nagpapagal­ing na sa isang pribadong ospital sa Iligan City.

Sa nasabing press conference nitong Setyembre 14 ay humingi ng tawad sa publiko si LNPPO acting director Senior Supt. Leopoldo Cabanag sa pagkakapas­lang sa dalawang inosenteng sibilyan.

“Hindi naman natin kinukunsin­ti ‘yung mga bagay na ‘yan, but definitely ang operation natin ay legitimate. There was no intention to kill the baby and the mother, it was purely by accident,” sabi ni Cabanag.

“Humihingi ako ng kapatawara­n sa publiko, kung ano man ang pananaguta­n ng kapulisan ay haharapin namin,” dagdag pa ni Cabanag.

Nasa walong operatiba ng Tubod Police ang nasa restrictiv­e custody na ng pulisya, kabilang ang hepe ng istasyon.

Nagbigay din ang Tubon Police ng P10,00 cash at mga bulaklak sa burol ng mag-anak na Laride.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines