MABUTING BALITA
Ef 4:1-7, 11-13 ● Slm 19 ● Mt 9:9-13
Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sumunod sa kanya. At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasalo ng mga makasalanan at maniningil ng buwis ang inyong guro?”
Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Sige, matutuhan sana n’yo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
PAGSASADIWA:
Awa ang gusto ko, hindi handog.— Hindi tayo pinapipili ni Jesus kung awa ba o handog. Ang nais niya ay pareho nating yakapin ang dalawang ito. Ang kapistahan ni San Mateo ay nakatuon sa habag ng Panginoon. Ito rin ang paanyaya upang suriin natin ang ating habag sa kapwa. Nalulugod ang Diyos sa buhay-pagsamba natin ngunit hindi ito sapat kung walang pagsasabuhay ng habag.
Alin ang mas mahalaga—ang panalangin o pagdamay sa kapwa? Kapwa mahalaga ang dalawang ito. Kinakailangang kumikilos ang puso sa taimtim na pananalangin at buhay-pagsamba. Gayunman, kinakailangang kumikilos din ang kamay sa diwa ng pagmamahal sa kapwa. Ang mabuting Kristiyano ay yaong sumasamba sa Diyos at umiibig sa kapwa.