TAMBULISLIS
Ika-24 labas
“HINDI
ako nagbibirong binangungot ka kanina,” sagot ni Aling Barang. “Dahil sa totoo, pumadyak ka ng pumadyak ng malakas kaya nagising ako sa mahimbing na pagkakatulog!”
“Bakit kaya ako nagpapadyak kanina?” Tanong ni Mang Andong.
“Hindi ka lang nagpadadyak, kung hindi padyak ng padyak kaya tingnan mo itong isang barandilya, nasira,” wika ni Aling Barang na hinawakan ang nasirang bahagi ng balkon ng kanilang bahay.
“O nga ano,” sagot ni Mang Andong. “Bakit ko kaya nagawa ‘yun habang natutulog?”
“Kung hindi ka binabangungot, malamang kiniliti ka na naman ng kiniliti ng mga tambulislis,” paliwanag ni Aling Barang. “Alam mo naman ang mga nilikhang ‘yun, katuwaan na ang mangiliti ng mga tao!”
“Tama ka,” sagot ni Mang Andong. “Tiyak na kiniliti na naman ako ng tambulislis!”
“Saktong-sakto ang sinabi mo,” sagot ni Aling Barang. “Dahil kahit mahimbing na mahimbing ang tulog ng tao, nakikiliti kapag tuloy-tuloy ang pangingiliting gagawin sa kaniya!”
“O ano, dito ka pa ba matutulog?” Tanong ni Aling Barang.
“Hindi na,” sagot ni Mang Andong. “Doon na ako sa kuwarto natin dahil tiyak na nasa paligid pa ang mga tambulislis at naghihintay ng pagkakataong muli akong makiliti habang natutulog ng mahimbing!”
Kinabukasan, dahil bakasyon pa, tuloy sa pagtambay sila Gary at Arman sa lugar na malapit sa malagong kawayanang tirahan ng mga tambulislis na pinamumunuan ni Malut. Muli, nagbabakasakali silang umulan at may lumitaw na bahaghari para muling makalaro ang mga nilikhang kanila ring naging kaibigan. Ngunit tinawag ang kanilang pansin ng ingay ng sasakyang naglalakbay sa barangay road na hindi kalayuan sa kanilang kinaroonan. Dahil kitang-kita ang sasakyang dumating sa kanilang lugar, matagal nila ito pinagmasdan hanggang magbabaan ang ilang kalalakihan kasama si Mang Abe. Ang visitador ni Don Andres sa malawak niyang lupain. At dahil noon lamang nila nakita ang mga kalalakihang kasama ni Mang Abe, nagkainteres sina Gary at Arman na pagmasdan.
“Dito sila patungo,” wika ni Gary. “Ano kayang gagawin nila sa lupain ni Don Andres?”
“Baka magkokopra,” sagot ni Arman. “’Yun naman ang ginagawa ng mga taong pumupunta sa niyugan ni Don Andres, hindi ba?”
“Tama ka, pero hindi naman sila puwedengkumuha ng niyog sa lugar na ito dahil si Mang Aldo ang katiwala. At isa pa, kakakawit lang ni Mang Aldo noong isang Linggo kaya wala silang makukuhang niyog na kokoprahin,” wika ni Gary.
“Patungo yata ang mga kalalakihang kasama ni Mang Abe sa malagong kawayan anga tirahan ng mga tambulislis na kaibigan natin at kalaro,” wika ni Arman.
“Tila nga,” sagot ni Gary. “Ano kayang gagawin doon ni Mang Abe at ng mga kalalakihang kasama niya?”
Matapos makarating sa malagong kawayanan si Mang Abe at mga kalalakihang kasama, nagkaroon ng kasagutan ang mga katanungang naglalaro sa isip ng magkababata at matalik na magkaibigan. Puputulin ng mga kalalakihang kasama ni Mang Abe ang malalaki at matataas na kawayan para isakay sa trak na tumigil sa barangay road hindi kalayuan sa kanilang kinaroonan. Dahil minsan ng nangyari ang ganito sa ilan pang malagong kawayanan sa lupang pag-aari ni Don Andres, alam na nina Gary at Arman ang magaganap. Ipinagbili ng mayamang may-ari ang mga kawayan para dalhin sa Laguna Lake para gawing bakod sa palaisdaang itatayo. Labis na pag-aalala ang naramdaman ng matalik na magkaibigan at magkababata dahil alam nilang tirahan ng mga kalaro at kaibigan nilang tambulislis ang malagong kawayanan. Dahil gustong matulungan ang mga kaibigan at kalarong nilikha, lumapit sina Gary at Arman sa visitador ng malawak na lupain ni Don Andres.
Itutuloy...