Aegis Jvris members binawalang magsalita
Isiniwalat ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na dalawang testigo ang lumapit sa kanya kaugnay ng pagpatay sa hazing victim at University of Santo Tomas (UST) law student na si Horacio “Atio” Castillo III.
Sa pakikipag-usap sa mga ito, nalaman ni Aguirre na pinipigilan ng mga miyembro ng Aeris Juris fraternity ang kapwa nila miyembro na mag-report ng kanilang nalalaman sa initiation rites na nauwi sa pagkamatay ng kanilang neophyte member.
Sinabi ni Aguirre na isa sa mga witness ang nagtungo sa kanyang opisina nitong Miyerkules ng gabi at sinabing may nalalaman tungkol sa Aegis Juris ngunit hindi ito miyembro ng fraternity na nag-imbita sa kanyang sumali ngunit kanyang inilingan.
Habang ang isa naman ay miyembro ng fraternity ngunit hindi pa personal na nakakasalamuha ni Aguirre, ngunit kanyang nakakaugnayan sa pamamagitan ng cell phone.
“Hind pa rin nagpapailalim sa WPP [Witness Protection Program] sapagkat natatakot sila at may banta sa kanilang buhay,” sinabi ni Aguirre sa mga mamamahayag.
Nalaman ni Aguirre na mayroong anim na miyembro ng fraternity na kasalukuyang hawak ng mga senior member ng Aegis Juris.
“Ang sabi sa amin senior members of the frat ayaw sila palabasin, ayaw pagsalitain at invoke na code of silence,” aniya.
Bukod sa dalawa, sinabi ni Aguirre na isa pang fraternity member ang nagpadala ng surrender feelers sa National Bureau of Investigation (NBI). WITNESS PROTECTION
ALOK NI AGUIRRE Inalok kahapon ni Aguirre ng WPP ang sinumang tetestigo sa pagpatay kay Castillo.
“If they want to tell the truth or clear their names they can come to my office and we will place them under the WPP,” pahayag ni Aguirre.
“They can trust us, they have nothing to fear from us,” paniniguro ng Secretary.
Kaugnay nito, bumuo si Aguirre ng hotline kung saan maaaring tumawag sa DoJ ang nais tumestigo.
Tinawag na DOJHoracio hotline, maaaring tumawag ang mga tetestigo sa 0995-442-9241.
Samantala, hiniling ng DoJ chief na huwag makinig sa payo ng ibang tao na pumipigil sa kanilang lumutang.
“They should fear more the ones hiding them or the ones advising them not to come out. They can be dangerous people with hidden agenda,” babala ni Aguirre.
“I ask them to come out and tell the truth and we will protect them under the WPP,” diin niya. 4 PA SA LOOKOUT BULLETIN
Ipinag- utos kahapon ni Aguirre na ilagay sa Immigration Lookout Bulletin Order ( ILBO) ang apat pang katao na pawang pinaniniwalaang sangkot sa pagpatay kay Castillo.
Sa kanyang memorandum, may petsang Setyembre 22, kay BI Commissioner Jaime Morente, ipinalagay ni Aguirre sa ILBO sina Ged Villanueva, Milfren Alvarado, Daniel Ragos, at Dave Felix. IBA PANG SUSPEK HINDI MAKALALABAS NG BANSA
Sinabi ng Bureau of Immigration (BI) na hindi makalalabas sa Pilipinas ang iba pang suspek sa pagpatay kay Castillo.
Ayon kay BI spokesperson lawyer Ma. Antonette Mangrobang, ang mga indibiduwal na nasa immigration lookout bulletin order (ILBO) ay kinakailangang magpakita ng allow departure order mula sa DoJ sa oras na nais nilang umalis ng bansa.
Ito ay siniguro ni Mangrobang matapos niyang kumpirmahin na si Ralph Trangia, isa sa mga suspek na nasa ILBO, ay nakalabas na ng bansa.