Tamang intel sa police ops, tiniyak sa Caloocan
Nangako kahapon ang bagong talagang hepe ng Caloocan City Police na ang lahat ng operasyon sa lungsod ay tatalima sa “right intelligence information” kasunod ng kontrobersiyal na pagkamatay ng teenagers na kinasangkutan ng mga pulis sa siyudad.
Binatikos ang mga pulisCaloocan dahil sa kontrobersiyal na pagkamatay ng 17-anyos na estudyanteng si Kian Loyd Delos Santos sa kamay ng mga pulis. Nakita sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) footage ng Barangay 160 na si Kian ay dumanas ng karahasan sa mga pulis.
Ang pagpatay sa dating estudyante ng University of the Philippines na si Carl Angelo Arnaiz, 19, ay isinisisi rin sa mga pulisCaloocan. Sinabi ng mga pulis na napatay si Carl Angelo sa panlalaban makaraan umanong mangholdap.
Pero ayon sa driver ng taxi na umano’y pinagnakawan nito, ibinigay niyang buhay ang binata sa mga pulis sa Police Community Precinct sa 9th Avenue.
Kamakailan, sinibak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde ang buong puwersa ng Caloocan Police makaraang masangkot sa panloloob sa isang bahay, sa “follow-up operation”, ang 13 pulisCaloocan.
Ayon kay Senior Supt. Jemar Modequillo, officer-in-charge ng Caloocan City Police, titiyakin niya na ang lahat ng police operations sa kanyang pamamahala ay batay sa wastong intelligence information.
Pinalitan ni Modequillo si Senior Supt. Chito Bersaluna bilang Caloocan Police chief. Inamin ni Bersaluna sa Senate inquiry kamakailan na ang intelligence information na nagsasabing drug mule si delos Santos ay ibinatay lang sa nakuha nila sa social media.
“I will make sure that all the operations of my policemen are backed with right intelligence information,” sabi ng bagong hepe.
Umapela rin siya sa mga pulis na huwag kunsintihin ang mga illegal na gawain ng kanilang mga kasamahan, na kailangang labanan nila ang mga tiwaling pulis at mahigpit na ipatupad ang batas.
Ipinahayag ng Philippine National Police (PNP) kamakailan na naghahanap sila ng mga pulis na papalit sa Caloocan police force.