Senado, babalikan ang isyu ng R64B shabu smuggling
Maaari nang pagtuunan ng pansin ng Senado ang pagbalangkas ng mga batas at paglabas ng mga resolusyon sa Lunes sa pagpapatuloy ng pagdinig sa kontrobersiyal na P6.4 bilyong halaga ng ‘’shabu’’ na nakalusot sa Port of Manila noong Mayo.
Ito ay matapos aprubahan ng Senado nitong Miyerkules sa ikatlo at pinal na pagbasa ang kontrobersiyal panukalang batas na itinaguyod ni Sen. Richard J. Gordon para ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections mula Oktubre ngayong taon sa May 2018.
Ipinagtanggol ni Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon committee, ang panukalang batas na inakda nila ni Senate Majority Leader Vicente C. Sotto III.
‘’The Senate can now concentrate on other bills and other pressing legislative business,’’ anang Gordon.
Nagsasagawa ng pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa P6.4B shabu smuggling. Nanganak ito ng mga kontrobersiyal na isyu tulad ng paghahain ng ethics complaint laban kay Sen. Antonio F. Trillanes IV sa diumano’y unparliamentary conduct, at paghamon ni Trillanes kay Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, anak ni Pangulong Rodrigo Duterte, na ipakita ang kanyang Chinese Triad tattoo sa likod.
“As I said in my sponsorship speech, the immediate passage of the bill will allow us to concentrate on other bills right away,” anang Gordon.
Sa ilalim ng Senate Bill 1584, pahihintulutan ang mga opisyal ng barangay at kabataan na manatili sa puwesto hanggang sa maihalal ang mga bagong opisyal.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Gordon na ang pagpapaliban ng halalan ay magbibigay sa mga pulis at militar ng sapat na panahon upang maugunan ang problema sa droga at mawakasan ang digmaan sa Marawi.
Nagpasalamat naman ang Liga ng mga Barangay, sa pamamagitan ng kanilang national president na si Atty. Edmond Abesamis, kay Gordon sa pagalis ng probisyon na nagpapahintulot sa Pangulo na magtalaga ng mga opisyal ng barangay.