TAMBULISLIS
Ika-26 na labas
“BAKA
ho magkaroon kayo ng malaking problema sa pagputol sa mga kawayan,” wika ni Gary. “At hindi ho basta problema, malaking problema.”
“Wala kaming magiging problema sa ginagawa namin dahil alam ito ni Don Andres,” sagot ng lalaki. “Siya mismo ang nagbenta ng mga kawayang ito, trabahador lang kami.”
“Hindi ho ‘yun ang tinutukoy kong problema,” wika ni Gary. “Ang mga nilikhang naninirahan sa malagong kawayanang pinuputol ninyo.”
“Ibig mong sabihin ang nilikhang tambulislis?” Tanong ng lalaki. “Oho,” sagot ni Gary. “’Yun hong nilikhang tila sanggol na mahilig makipaglaro at makipagkaibigan sa mga bata. Kawawa naman, wala nang matitirhan sa pagkaputol ng malalaki at matataas na kawayan,” paliwanag ni Arman.
“Totoo o hindi ang sinasabi ninyo, tuloy-tuloy kami sa pagputol sa mga kawayang ito,” sagot ng lalaki. “Pasensyahan na lang kung totoong may tambulislis na naninirahan sa kawayanang ito dahil kailangan naming kumita para sa aming pamilya.”
“Alam din pala ninyo ang tambulislis,” wika ni Gary.
“Oo naman,” sagot ng lalaki. “Ilang beses na kaming nakarinig ng kuwento sa nilikhang ‘yan kapag puputol ng malagong kawayanan ngunit tulad ng sinabi ko, pasensyahan na lang, kailangan naming gawin ang aming trabaho!”
Marami pa sanang itatanong at sasabihin sina Gary at Arman sa lalaking kasama ni Mang Abe, ngunit umalis na para ipagpatuloy ang pagputol sa kawayan. At para matiyak na ito ang kawayan nilang hinahanap para gawing bakod sa palaisdaan, mahina munang ipinukpok ng lalaki ang bangkod, ang likurang bahagi ng hawak na itak. Makaraan ang ilang sandali, kabilang na ang kawayang pinukpok ng lalaki sa maraming nakabagsak sa lupa at nililinis ang kabuuan.
“Wala na talagang pag-asang makalibre ang tirahan nila, Malut,” wika ni Gary. “Ni hindi man lang nakaramdam ng pangamba ang mga kasama ni Mang Abe.”
“Kung maputol ang lahat ng malalaki at matataas na kawayan, umalis na kaya sila sa kawayanang ito?” Tanong ni Arman.
“Tiyak na tiyak,” sagot ni Gary.
“Bakit naman?,” malungkot na tanong ni Arman.
“Wala na silang tirahan kaya aalis na sa lugar na ito, kaya hindi na natin sila makakalaro at makikita,” sagot ni Gary.
Dahil sa patuloy na pagputol ng kalalakihan sa malalaki at matataas na kawayan, napilitang umalis ang mga tambulislis kahit hindi pa naaabot ang lugar na tirahan ng mga nilikha.
At tulad nila Arman at Gary, walang nagawa ang mga tambulislis na pinamumunuan ni Malut kung hindi panoorin na lang ang unti-unting pagkasira ng malagong kawayanan habang nagpapalutanglutang sa ere. At kahit alam ng mga tambulislis na makaraan lamang ang ilang buwan, muling lilitaw ang matataas at malalaking kawayan, nakadama rin ng panghihinayang ang mga nilikha.
Ngunit dahil likas sa nilikhang maging masaya, hindi nag-isip ng anumang paraan para mapigilan ang mga lalaki sa pagputol sa kawayang paboritong tirahan ng tambulislis tulad ng malaking punongkahoy at abandonadong bahay.
“Gusto kong kilitiin nang kilitiin ang lalaking nagpapatakbo ng malaking sasakyan,” wika ni Malut.
“Sige, kilitiin natin,” sang-ayon ni Bulinggit. “At para mas masaya, kilitiin natin habang pinapatakbo ang malaking sasakyan!”
“Tama, ‘yun ang gawin natin para malimutan natin ang ginawa nilang pagsira sa ating tirahan,” sang-ayon ni Malut. “At tiyak kapag nagkamali-mali ang takbo ng kanilang sasakyan, sasaya tayo nang husto!” Itutuloy...