TAMBULisLiS
Ika-29 labas
“TAMA ka, Mang Abe,” wika ng nagmamaneho ng trak.“Kaya simulan na natin ang pagbaba sa mga sakay na kawayan!”
“Huwag na nating sisihin ang mga tambulislis dahil kahit tayo ang nasa kanilang kalagayan, ganito rin ang ating gagawin natin o higit pa,” sagot ng isa sa mga kalalakihan.
“Pero nililinaw ko lang na hindi gumanti ang mga nilikhang ‘yun,” wika ni Mang Abe. “Natuwa lang sa iyo, kaya kiniliti ka ng kiniliti!”
Hindi na sumagot o nagbigay ng komentaryo ang nagmamaneho at mga kasama niyang kalalakihan sa sinabi ng visitador dahil alam nilang totoo. Sa halip, isa-isa nilang ibinaba ang mga nakasalansang kawayan sa malaking trak para gumaan at makaahon sa pagkakabalaho sa gilid ng barangay na maputik. Dahil walang ginagawa si Mang Abe, tumulong na rin para mapabilis ang ginagawa ng kalalakihan para maipagpatuloy ang pagbiyahe ng trak papunta sa lalawigan ng Laguna. Dahil nagawa na ng tambulislis na si Malut ang binabalak gawin sa nagmamaneho ng malaking sasakyang kinalululanan ng mga kawayang kanilang tirahan, umalis na sila sa lugar. At tulad ng dating nasira ang kanilang tahanan,samasamang kumilos ang mga tambulislis para maghanap ng bagong tirahan malapit sa malagong kawayanan. Hindi naman nabigo ang mga nilikha dahil nakakuha ng malaki at mataas na punongkahoy hindi kalayuan sa malagong kawayanan.
“Okey na ito, malapit sa bahay ni Mang Edgardo,” wika ni Malut. “Isa pa, mas gusto ko sa lugar na ito keysa sa iba dahil malapit tayo sa kalaro nating sina Arman at Gary!”
“Tama ang desisyon mo, Malut,” sagot ni Bulinggit. “Magandang tumira sa lugar ito dahil sanay na tayo!”
“Saka, hindi naman magtatagal, makakabalik tayo sa kawayanang pinutol ng mga kasamang lalaki ni Mang Abe,” wika ni Oryung. “Mabilis tumubo at lumaki ang mga kawayan!”
“Tama kayo,” sagot ni Malut. “Muli tayong babalik sa dati nating tirahan!”
At tulad ng dati, ginawa ng mga nilikhang tambulislis ang walang katapusang ikot ng buhay bilang bata, ang maglaro ng maglaro para malipos ng tuwa at saya. Samantala, naibaba na nila Mang Abe at ng kalalakihan ang lahat ng kawayang lulan ng trak kaya muling sumakay ang nagmamaneho at pinaandar para makaalis sa pagkababalaho.
Dahil gumaan ang trak, ilang rebolusyon lamang ng nagmamaneho, tuluyang nakaahon ang malaking sasakyan sa maputik na gilid ng barangay road.
Muli, kahit pagod, magkakatulong na isinakay nila Mang Abe at ng mga kalalakihan ang mga kawayan sa sasakyan. Muling pinaandar ng nagmamaneho ang trak at dahil hindi na kiniliti ng tambulislis na si Malut, tuluyang nakapaglakbay. Dahil narinig ang ingay na nalilikha ng makina ng malaking trak, nalaman ng mga tambulislis ang gagawing muling paglalakbay ng malaking sasakyan kaya inihatid ng tingin ng mga nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan.
“Mang Abe, talagang kiniliti ako ng kiniliti sa talampakan ng
mga tambulislis,” wika ng nagmamaneho. “Dahil hindi ko na ngayon naramdaman ang pagkiliti, tuloy-tuloy kong napatakbo ang sasakyan!”
“Hindi ka nagkakamali, tiyak na kiniliti ka ng kiniliti ng mga tambulislis dahil natuwa sa iyo,” sagot ni Mang Abe.
“Ibig ninyong sabihin, hindi sila nagalit sa pagputol namin sa mga kawayan na kanilang tirahan?” Tanong ng magmamaneho.
“Tunay na kakaiba silang nilikha. Hindi likas sa tambulislis ang maghiganti kahit may ginawang masama sa kanilaang tao,” paliwanag ni Abe. “Wala silang gustong gawin, kung hindi maglaro ng maglaro!”
“Nakakatuwa silang nilikha, Mang Abe,” sagot ng nagmamaneho. “Siguro, totoo ang kuwentong sanggol na isinilang sa maling panahon ang tambulislis kaya walang katapusang paglalaro ang gustong gawin!”
“Totoo ang kuwentong ‘yun tungkol sa tambulislis,” wika ni Mang Abe. “Ngunit minsan, hindi nakakatuwa ang mga nilikhang ito dahil nakakadisgrasya ang biro tulad ng nangyari sa trabahador na namatay ng kilitiin ng kilitiin dahil may sakit sa puso!” Itutuloy...