TAMBULISLIS
Ika 30 labas
“SAAN na kaya nagpunta ang mga kaibigan at kalaro nating mga tambulislis?” Tanong ni Gary habang pinagmamasdan ang lugar na dating tirahan ng mga nilikha.
“Malamang, lumipat sila ng tirahan dahil wala na ang mga mataas at malaking kawayan,” sagot ni Arman. “Sabi ng lolo ko, lumilipat ng tirahan ang mga tambulislis kapag sinira ng tao.”
“Saan kaya sila lumipat?” Tanong uli ni Gary.
“Mabuti pa hanapin natin, dahil sabi ng lolo ko, hindi lumalayo ang tambulislis sa lugar na dating tirahan. Para raw taong nais manatili sa lugar na matagal na tinirahan,” paliwanag ni Arman.
At magkakasamang namasyal sa lugar na malapit sa malagong kawayanan ang magkakabata at matalik na magkaibigan para hanapin ang mga tambulislis na nakalaro at naging kaibigan. Wala silang kamalay-malay na matagal na silang pinagmamasdan ng mga nilikhang hinahanap mula sa malaking puno na bagong tirahan ng mga tambulislis.
Dahil malalim na nakatatak sa isip nina Gary at Arman ang mga kuwento sa nilikhang hinahanap, napagtuunan nila ng pansin ang malaki at mataas na punongkahoy. Matapos pagmasdan nang matagal ang punongkahoy, mabilis silang naglakad papunta sa puno sa hinalang doon lumipat ng tirahan ang hinahanap.
Hindi pa man nakakalapit sina Gary at Arman sa punongkahoy, buo na ang balak ng mga tambulislis na pinamumunuan ni Malut na biruin ang mga bagong kalaro at kaibigan.
Samantala, nang makarating sa malaki at mataas na punongkahoy, nanatiling nakatindig sa harap sina Gary at Arman para marinig ang matinis na hagikhik ng mga nilikhang hinahanap.
“Wala akong makitang kakaiba sa punong ito,” wika ni Arman. “Parang pangkaraniwan lang na tumubo sa ilang na lugar.”
“Ganyan daw talaga ang punong tirahan ng mga tambulislis kapag ayaw magpakita o makipaglaro,” sagot ni Gary. “Walang makitang palatandaan o ingay na may nakatirang tambulislis.”
“Anong gagawin natin?” Tanong ni Arman.
“Dito lang tayo sa puno ng kahoy,” sagot ni Gary.
“Seryoso ka ba sa sinasabi mo?” Tanong uli ni Arman.
“Seryosong-seryoso,” sagot ni Gary. “Dito natin hihintayin sina Malut. Baka gumala lang sa ibang lugar para maghanap ng bibiruin.”
‘Sige, gano’n ang gawin natin,” sangayon ni Arman. “Malaki ang paniniwala kung sa kahoy na ito lumipat ng tirahan ang mga kalaro at kaibigan nating tambulislis!”
At tulad ng kanilang ginagawa kapag nagpapastol ng kalabaw, naupo sina Arman at Gary sa nakausling malaking ugat ng punongkahoy para hintayin ang paglitaw ng mga tambulislis na pinamumunuan ni Malut. Habang naghihintay, patuloy ang kanilang kuwentuhan sa iba’t ibangpaksang may kinalaman sa payak na paraan ng pamumuhay ng tao sa kanilang barangay.
Ngunit tulad ng dati, hindi naiwasan ng magkababata at matalik na magkaibigang dalawin ng antok hanggang maidlip at makatulog. Sumilay sa labi ng mga tambulislis, ang matamis na ngiti dahil mabibiro na nila ang dalawang batang kalaro at kaibigan. Magkakasunod na bumaba sa malaki at mataas na punongkahoy ang mga tambulislis.
“Kaysarap pagmasdan ng tao kapag natutulog at walang kamalay-malay sa gagawin nating biro,” wika ni Malut.
“Pero kaibigan na natin sila,” sagot ng isang tambulislis na nakatingin din kina Gary at Arman. “Maghanap na lang kaya tayo ng ibang batang bibiruin.”
“Tange,” sagot ni Malut. “Mas magandang biruin ang mga batang kalaro at kaibigan natin dahil hindi na matatakot kahit magising.”
“Malut, kami naman ang kikiliti kina Arman at Gary,” wika ni Oryung. “Hindi ba ‘yun ang dapat mga kasama?”
“Mali ka, Oryung,” sagot ng isa pang tambulislis. “Tayong lahat ang kikiliti sa kanilang dalawa.”
“Tama si Oryung,” wika ng iba pang tambulislis. “Tayong lahat ang kikiliti kina Arman at Gary para masaya ang paglalaro natin!”
Itutuloy...