PH ‘transshipment’ ng droga mula sa US—Duterte
Binalaan ni Pangulong Duterte ang United States tungkol sa pagkakasangkot ng dalawang international crime syndicates— ang Bamboo at ang 14K triads—sa large- scale drug trafficking sa Southeast Asia.
Sinabi niya na ang Pilipinas umano ang naging “transshipment” hub ng ilegal na droga sa Amerika. Ipinagdiinan din niya na ang mga Amerikano ang “richest market” para sa ilegal na droga, kumpara sa small market sa bansa.
“Kung maniwala ang America, mabuti. Kung hindi kayo maniwala, mabuti, basta sinabi ko sa inyo,” pahayag ng Pangulo.
Kaugnay nito, nagpahayag din ng paniniwala ang Pangulo na espiya ng Amerika si Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Sinabi ng Pangulo na si Lorenzana ay naging “agent” ng US matapos ang pananatili roon nang matagal.
“Matagal na ‘yan sa America siya (Lorenzana). Alam ko siya, eh, agent ‘yan siya pero okay lang,” sinabi ni Duterte sa Department of Justice anniversary rites nitong Martes ng gabi habang ibinabahagi kung paano sila naging magkaibigan ni Lorenzana.
Alam niya ang pakikipagugnayan ng kalihim sa Washington, inatasan niya si Lorenzana na magpadala ng mensahe sa US na wala siyang sama ng loob dito.
“Sabi ko kasi magbolahan naman kaming dalawa, eh ‘ di ito sabihin mo sa kanila. Ako, many—many issues ako diyan sa ano, but I do not hate America. I mean, I don’t… Wala akong dynamics sa mga tao,” sinabi niya kay Lorenzana.
Sinabi ni Duterte na naging kaibigan niya si Lorenzana matapos ang una nilang pagkikita sa Davao City ilang taon na ang nakalilipas.
Pinamunuan ni Lorenzana ang isang Scout Ranger battalion sa Malagos district habang si Duterte ay alkalde ng Davao City. “Bumilib ako sa tao,” aniya. “When I was shopping for my Cabinet, I remembered him. Eh, talagang honest, tapos istrikto,” dagdag niya.
Samantala, sinabi naman ng pamahalaan ng China na wala itong ideya sa kahit anong Chinese drug rings, gaya ng Bamboo Triad, na kasalukuyang nag-o-operate sa Pilipinas, ayon kay Pangulong Duterte.
Muling siniguro ni Chinese Ambassador to Manila Zhao Jianhua na hindi poproteksiyunan ng China ang kanilang mamamayan na masasangkot sa krimen sa Pilipinas.