TAMBULISLIS
Ika-31 labas
DAHIL
sa kapangyarihang magpalutang sa hangin, nakababa ang mga tambulislis na pinamumunuan ni Malut sa malaki at mataas na kahoy nang hindi nagising sina Gary at Arman na mahimbing na natutulog sa nakausling ugat.
Matapos makababa sa punongkahoy, pinalibutan at pinagmasdan ng mga nilikha ang dalawang batang kaibigan at kalaro na nananatiling mahimbing ang tulog at buong kasiyahang pinagmasdan. Apat na tambulislis ang mabilis na lumapit sa magkababata at matalik na magkaibigan para gawin ang birong tuwina, gustong-gustong gawin sa mga tao.
Hindi na kailangan alisin ng dalawang tambulislis ang tsinelas nina Gary at Arman dahil ginawa nila itong unan para hindi masaktan ang ulo na nakapatong sa malaking ugat na nakausli. At habang nanonood ang mga kasamahang tambulislis, sinimulang kilitiin sa talampakan ng apat na nilikha ang natutulog na sina Arman at Gary.
“Hayan, nakikiliti na si Arman,” wika ng isang tambulislis. “Pumapadyak-padyak na ang paa!”
“Magigising na rin si Gary,” wika ng isa pang tambulislis. “Pumapadyakpadyak na rin ang paa!”
At tulad ng dating ginagawa ng mga tambulislis ang ganitong biro sa mga tao, kilala o hindi, tuwang-tuwang pinagmasdan ng mga nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan ang kilos at galaw ng paa nina Arman at Gary na nananatiling mahimbing ang tulog. Ngunit dahil hindi itinigil ng apat na tambulislis ang pagkiliti sa talampakan ng matalik na magkaibigan, sabay silang nagising.
Dahil nakalaro na nina Gary at Arman ang mga tambulislis na pinamumunuan ni Malut, hindi sila natakot nang makita ang mga nilikhang hinahanap na nakapalibot sa kanila na ginagawa ang paboritong biro.
Tulad ng dating ginawa ng mga tambulislis ang birong gustonggustong gawin sa mga tao, lutang na lutang ang matinis na hagikhik ng mga nilikha. Dahil masayang-masaya ang mga tambulislis, tulad ng dati, nakalitaw ang malapad na gilagid na nagsisilbing patunay na hindi tiyanak ang mga nilikha.
“Biniro na naman ninyo kami,” wika ni Gary. “Talagang mahusay kayong mangiliti dahil nagising kami kahit mahimbing ang tulog!”
“At isa pa, paano ninyo nalamang sa talampakan ang aming kiliti?” Tanong ni Arman.
“Halos lahat ng tao, karaniwang nasa talampakan ang kiliti. Ngunit mayroon ding wala doon ang kiliti, nasa ibang parte ng katawan,” sagot ng tambulislis na si Oryung.
“Ngunit hindi ‘yun problema sa amin para kilitiin ang mga tao,” wika ni Bulinggit. “Isang sundot lamang namin sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng tao, alam na namin kung nandoon ang kanilang kiliti!”
“Ang husay talaga ninyong mangiliti,” wika ni Arman. “Parang may kapangyarihan ang inyong daliring patawanin nang patawanin ang mga tao kapag sinusundot.”
“Parang gano’n nga ang nangyayari,” sang-ayon ni Gary. “Dahil kahit mahimbing na mahimbing ang tulog ng mga taong kikilitiin ninyo, nagigising!”
“Mahabang panahon na naming ginagawa ang libangang ito kaya alam na alam na namin kung paano kikilitin ang tao,” sagot ni Malut. “Pero ngayong gising na kayo, ibang libangan naman ang gagawin natin.”
“Anong libangan?” Tanong ni Arman.
“Maglalaro tayo nang maglalaro hanggang hindi kayo napapagod,” sagot ni Malut.
Walang ibang gustong gawin ang tambulislis sa pakikisalamuha sa mga tao kung hindi makipaglaro nang makipaglaro habang humahagikhik nang matinis na hindi mapapasubaliang patunay na nakamit ng nilikha ang minimithing kaligayahan sa mundo ng mga bata. Itutuloy...