Halalan sa Mayo 2018 ituloy na

Balita - - Balita - Leonel M. Abasola at Mary Ann Santiago

Nanawagan si Sen. Bam Aquino sa pamahalaan na tiyaking matutuloy na ang Barangay at Sangguniang Kabataan (BSKE) Elections sa Mayo 2018.

Diin niya, sapat na ang walong buwang preparasyon kaya’t walang dahilan para muling ipagpaliban ang nakatakdang halalan.

“This election is long overdue kaya dapat tiyakin ng at poling mga opisyal na ito’y matutuloy na sa susunod na taon. Wala nang maaari pang gamiting dahilan dahil may sapat silang panahon para plantsahin ang lahat ng gusot,” ani Aquino.

Inaprubahan ng Kamara at Senado ang panukalang nagpapaliban sa barangay at SK elections. Wala nang gagawing bicameral conference committee dahil tinanggap na ng Kamara ang bersiyon ng Senado noong Lunes.

Sa bersiyon ng Senado, ipagpapaliban ang BSKE sa Oktubre 23 at sa halip ay idadaos ito sa May 2018. Mananatili sa puwesto ang mga kasalukuyang opisyal hanggang sa makapaghalal ng kanilang mga kapalit.

Iginiit naman ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na labag sa diwa ng Konstitusyon ang hindi pagkakaloob sa mga mamamayan ng kapangyarihan na pumili at magluklok ng mga pinuno ng pamahalaan.

“Tayo ay tumututol sa postponement ng barangay election at ang posisyon doon, kinakailangang ituloy yung eleksyon na pambarangay dahil mas higit na mapanganib kung pipiliin mo lang yung mga ilalagay at labag ito sa mismong diwa ng Konstitusyon na dapat ang pipili ng mga pinuno na mamumuno sa kanila ay galing sa desisyon ng mga tao, pangkalahatan at hindi sa desisyon ng kung sinumang namumunong politiko,” pahayag ni Father Edu Gariguez, executive secretary ng CBCP-National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA)/ Caritas Philippines, sa panayam ng Radio Veritas.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.