Lasing nahulog mula sa 20th floor, dedo

Balita - - Pangunahing Pahina - Ni MARY ANN SANTIAGO

Patay ang isang 20-anyos na estudyante nang mawalan ng balanse sa pagtuntong sa isang stool at tangkang pag-upo sa pasamano sa balkonahe ng isang condominium tower sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Javier Villareal, 20, estudyante ng College of St. Benilde ng De La Salle University, at tumutuloy sa Unit 3829 Manila Residences Tower II na matatagpuan sa 2310 Tafe Avenue sa Malate.

Sa ulat ni SPO3 Charles John Duran, ng Manila Police DistrictCrimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), naganap ang insidente sa balkonahe ng Unit 2014 na matatagpuan sa 20th floor ng Manila Residences Tower II, at tinutuluyan ng kaibigan ng biktima na si Jeremiah Dave San Juan, na estudyante rin ng naturang unibersidad, dakong 1:45 ng madaling araw.

Una rito, tinawagan ni San Juan si Villareal sa cell phone at inimbitahan na magtungo sa kanyang unit upang sumali sa kanilang inuman.

Habang nag-iinuman ang grupo ni San Juan ay bigla umanong dumating si Villareal na nasa impluwensiya na ng alak.

Nagkayayaan ang grupo na magtungo sa balkonahe upang makapagsigarilyo habang nagkukuwentuhan.

Maya-maya ay tumuntong umano ang biktima sa stool sa gilid ng balkonahe, at agad naman itong sinuway ng kaibigan.

Sumunod naman umano si Villareal, ngunit sa gitna ng masayang kuwentuhan ay muli umanong tumayo sa stool ang biktima at pinilit na maupo sa pasamano ngunit nawalan ng balanse hanggang sa nahulog sa balkonahe ng Unit 814 ng gusali.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.