‘One-way highway’ scheme na solusyon sa trapik, ipinanukala

Balita - - News - Bert De Guzman at Ellson A. Quismorio

Dahil sa kawalan ng kaukulang imprastraktura at episyenteng sistema ng transportasyon, gaya ng elevated highways at subways, iminungkahi ng isang mambabatas na gayahin ng Metro Manila ang “one-way-all-the-way” scheme sa New York City.

Isinuhestiyon ito kahapon ni Samar Congressman Edgar Mary Sarmiento, isang civil engineer bago naging kongresista, sa traffic managers ng pamahalaan tulad ng Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Transportation ( DOTr) at ng Philippine National PoliceHighway Patrol Group ( PNPHPG).

Ayon kay Sarmiento, kayang lutasin ang matinding problema sa trapiko sa pamamagitan ng pagtayo ng tatlong malalaking kalsada at gawin itong “full oneway highways”.

“Our traffic situation is a multidimensional problem that has evolved and accrued through the years,” paliwanag niya.

Sinabi Sarmiento na hindi na kaya ng mga kalsada ang libulibong sasakyan. At sa pagkakaroon ng construction activities kaugnay sa Build, Build, Build Program ni Pangulong Duterte, tiyak na lalo pang lulubha ang trapiko na aabot sa punto na halos hindi na gagalaw ang trapik sa Kamaynilaan.

At dahil hindi na maaaring palawakin ang EDSA, sinabi ni Sarmiento na gawin na lamang itong southbound superhighway mula Caloocan hanggang Pasay City na may bi-directional service roads sa magkabilang panig na eksklusibong gagamitin ng Bus Rapid Transit System (BRTS).

Para ma- accommodate ang mga sasakyan na patungong norte mula sa Pasay City, Parañaque at Cavite, ang ilang bahagi ng Roxas Boulevard na dumaraan sa C3 at C4 ay gagawing one-way highway.

Sa kabilang banda, ang mga sasakyan na nagmumula sa Muntinlupa at Laguna patungong norte sa Quezon City, Bulacan at Pampanga ay maaaring dumaan sa C5 road, na gagawin ding northbound expressway.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.