Uber driver inihulog ng carnappers sa bangin
Isang transport network vehicle service ( TNVS) driver ang nabiktima ng tatlong hindi pa nakikilalang lalaki na pawang nagpanggap na pasahero, tinangay ang kanyang sasakyan matapos siyang ihulog sa bangin nitong nakaraang linggo.
Kinilala ng Pasig City police ang biktima na si Jaime Mejia, 52, ng Sampaloc, Maynila, isang registered Uber driver. Minamaneho niya ang pulang Toyota Innova (ABD 7740).
Base sa imbestigasyon, ibinook siya ng tatlong lalaki sa pamamagitan ng TNVS application Uber. Sinundo niya ang mga ito sa Marcos Highway, sa tapat ng Don Juana Village sa Santolan, Pasig, dakong 12:08 ng madaling araw nitong Huwebes.
Sa pagsakay ng mga suspek sa sasakyan, isa sa mga ito ang nagsabing ihatid sila sa SM Masinag sa Antipolo City.
Makalipas ang ilang minuto, isa sa mga lalaki na nakasakay sa likurang bahagi ng sasakyan ang humatak sa ulo ng biktima at tinutukan ng kutsilyo ang kanyang leeg. Dito na nagdeklara ng hold-up ang mga suspek, at inatasan ang biktima na ituloy ang pagmamaneho.
Base sa report, gamit ang GI wires, iginapos ng mga suspek ang mga kamay ni Mejia upang hindi ito makapalag. Ginamit naman ng mga suspek ang jacket ng biktima upang itali ang mga binti nito.
Isa sa mga suspek ang nagmaneho, kuwento ng biktima.
Itinulak si Mejia sa isang bangin sa Barangay Cuyambay sa Tanay, Rizal.
Gayunman, nagawang alisin ni Mejia sa pagkakabuhol ang kanyang jacket na itinali sa kanyang binti. At humingi siya ng tulong sa mga tao sa nasabing lugar.
Nagsasagawa na ng follow-up operation laban sa mga lalaking tumangay ng sasakyan ni Mejia.