Ika-34 na labas
KAHIT labag sa kalooban, napilitan si Mang Edgardo na sundin ang payo ng kababata at matalik na kaibigang tiyak niyang may salarin ding pinaghihinalaan sa karumaldumal na krimeng naganap sa asawang si Lourdes at sanggol sa sinapupunan nito. Sanggol na dahil hindi natagpuan sa lugar ng krimen, pinaniwalaan ng mga kabarangay niyang naging tambulislis at kasama ng mga nilikha mula sa daigdig ng kababalaghang gumagala sa barangay Bayan-bayan pagsapit ng dilim.
At may batayan sa paniniwala ai Mang Edgardo sa nilikhang tambulislis dahil kuwento itong patuloy na umiikot sa kanilang barangay sa simula’t simula ng panahon.
“Para siguradong hindi ako iistorbohin ng tambulislis, magsusuot ako ng suson-susong medyas,” wika ni Mang Edgardo.
Dahil umiikot ang mundo ng tambulislis sa paglalaro, muling gumala ang mga nilikha sa barangay para maghanap ng kikilitiin. Tulad ng dating gagawin ng nilikha ang paboritong biro, dumaan ang mga tambulislis sa bahay ni Mang Edgardo. Ngunit dahil nakita ng nilikha ang susong-susong medyas na isinuot ng may-edad na lalaki, hindi na itinuloy ng lider ng tambulislis ang gagawing pagbibiro. Sa halip, itinuloy ng mga nilikha ang paghahanap sa taong bibiruin sa barangay Bayan-bayan.
At tulad ng dati, napunta ang mga nilikha sa bahay ni Gary na hindi kalayuan sa bahay ni Mang Edgardo at punongkahoy na ginawang pansamantalang tirahan habang hindi pa lumalago ang kayawanan. Dahil sa kakayanang magpalutang-lutang sa ere, nagawang makapasok ng mga tambulislis sa munting kuwartong tinutulugan ng batang balak biruin sa pagkiliti.
“Akong kikiliti sa kaniya,” wika ng tambulislis na si Oryung. “Tulad ni Malut na gustong-gusto kiliitin si Mang Edgardo, hindi ko rin maintindihan kung bakit gustong-gusto kong kilitiin si Gary.”
“Baka nagmula ka sa lahi nila,” sagot ni Bulinggit. “Ibig kong sabihin, baka lolo ka nila o kung hindi, lolo ng lolo nila.”
“Bakit mo nasabi ang bagay na ‘yan?” Tanong ng isa pang tambulislis na nakatingin din kay Gary.
“Hindi ba madalas nating marinig sa kuwentuhan ng mga taong nagmula tayo sa sanggol ng mga taong hindi isinilang o isinilang nang wala sa panahon,” paliwanag ni Malut.
“Tama ka, Malut,” sagot ni Oryung. “Madalas paksa ng mga tao ang bagay na ‘yan kapag nagkukuwentuhan sa nilikhang tulad natin sinasabi nilang mula sa daigdig ng kababalaghan!”
“Kailan kaya natin malalaman ang katotohanan sa mga sinasabing ‘ yan ng mga tao?” Tanong ng isa pang tambulislis.
“Batay sa kuwentong narinig ko sa mga tao, kapag susunduin na ng anghel para dalhin sa langit, malalaman natin kung sino ang ating kapamilya,” paliwanag ni Malut.
“Ang tagal pa pala,” komentaryo ni Oryung.
“Suwerte-suwerte lang,” wika ni Malut. “Kapag nagawa na raw natin ang dapat gawin sa lupa, magaganap na ang pangyayaring ‘yun.”
Matapos ang ilang sandali ng paguusap habang pinagmamasdan ang batang balak kilitiin, lumapit si Oryung kay Gary na mahimbing na natutulog. At dahil hindi pa nakakaranas ng pagbibirong gagawin ng mga nilikhang tambulislis, natulog si Gary nang walang suot na medyas kaya tuwang-tuwa si Oryung.
Walang sinayang na sandali ang tambulislis, kaagad kiniliti sa talampakan ang natutulog na batang minsang nakalaro kasama ng kaibigang si Arman kaya itinuring ng kaibigan ng mga nilikha.
At tulad ng ibang taong kiniliti ng nilikhang tambulislis, nagpapadyak si Gary nang maramdaman ang birong ginawa ni Oryung. Dahil sa malaking tuwa at saya ng mga nilikha sa tagumpay ng ginawang biro, umalingawngaw sa kuwarto ni Gary ang matinis na hagikhik ng tambulislis. Itutuloy...