Balita

Dinukot na tribal leader, pinalaya agad

- Mike U. Crismundo

BUTUAN CITY – Makalipas ang wala pang 24-oras na pagkakabih­ag, kaagad ding pinalaya nitong Biyernes ng gabi ang isang lider ng tribo sa Barangay San Roque sa San Miguel, Surigao del Sur, kinumpirma kahapon ng pulisya.

Sa report kahapon kay Police Regional Office (PRO)-13 director Chief Supt. Rolando B. Felix, sinabi ni San Miguel Municipal Police chief, Senior Insp. Florence D. Murao na dakong 9:30 ng gabi nitong Biyernes nang pinalaya si Datu Saturnino Gallego, ng Indigenous People Mandatory Representa­tive (IPMR).

Gayunman, hindi pa batid ang motibo at dahilan sa pagdukot at agarang pagpapalay­a sa lider ng IPMR.

“We are still investigat­ing it,” sabi ni Senior Insp. Murao.

Nabatid na aktibo si Datu Saturnino Gallego sa Tribal Filipino Program ng Surigao del Sur at tumutulong sa peace and developmen­t program ng pamahalaan.

Dinukot si Gallego mula sa kanyang bahay bandang 10:00 ng gabi nitong Huwebes ng nasa 20 armadong miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Hayon, Bgy. Libas Sud, San Miguel, Surigao del Sur, ayon kay Capt. Francisco P. Garello, Jr., Civil Military Operations (CMO) officer ng 36th Infantry Battallion ng Philippine Army.

Dagdag pa ni Capt. Garello, kasabay ni Gallego ay dinukot din nitong Huwebes ang miyembro ng Citizen Armed Forces Geographic­al Unit Active Auxiliary (CAA) na si Danny Rivas.

Gayunman, wala pang linaw sa ngayon ang sinapit ni Rivas.

Ayon kay Capt. Garello, mga kasapi ng guerilla-Front Committee 19 ng NPA Northeaste­rn Mindanao Regional Committee (NEMRC), sa ilalim ni “Ka Tuloy”, ang dumukot sa CAFGU member.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines