TAMBULISLIS
Ika-36 na labas
“AT para matiyak mong tama ang suspetsa ko, pakinggan nating mabuti ang ingay sa kuwarto ni Gary,” wika ni Mang Kardo. “At kung tama ang ating suspetsa, papasok ako sa kuwarto para patigilin ang mga tambulislis sa pagbibiro sa kaniya!”
“Hindi ka nabibigla sa pasiya mo, Kardo,” sagot ni Aling Untang. “Papasukin mo ang kuwarto ni Gary at patitigilin ang mga tambulislis sa pagbibiro sa ating anak!”
“Tama ang narinig mo, Untang,” wika ni Mang Kardo. “Papasukin ko ang kuwarto ng ating anak!”
“Sasama ako,” sagot ni Aling Untang. “Baka ‘pag pumasok ka sa kuwarto ni Gary, lumipat dito ang tambulislis, ako naman ang kilitiin ng kilitiin!”
“Hindi ka dapat matakot, kahit kilitiin ka ng kilitiin ng mga tambulislis,” sagot ni Mang Kardo.
“Bakit naman hindi ako matatakot sa tambulislis, alam mo bang ang nilikhang ‘yan ang pumatay kay Omeng?” Tanong ni Aling Untang.
“Matanda ka na, wala ka ng kiliti, kaya huwag ka ng matakot sa mga tambulislis!” Sagot ni Mang Kardo. “Tiyak, mapapagod lamang sila kapag ikaw ang biniro!”
“Tarantado,” wika ni Aling Untang. “Pinasok na ng nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan ang bahay natin, kalokohan pang sinasabi mo!”
Dahil napalakas ang pagsasalita ni Aling Untang, hindi nakaligtas ang nalikha niyang ingay sa matalas na pandinig ng mga tambulislis. Dahil alam ng mga nilikha ang mangyayari sa mga susunod na sandali, gamit ang kakayahang magpalutang-lutang sa ere, lumabas ang mga tambulislis sa kuwarto ng batang kalaro at kaibigan.
Samantala, dahil hindi napigilan ni Mang Kardo ang pagsama ng asawang si Aling Untang sa kuwarto ng kanilang anak, magkasunod silang dahandahang naglakad patungo sa bahagi ng bahay nilang kinaroonan ng mga tambulislis. Dahil nakaalis na ang mga nilikha sa kuwarto ni Gary, tanging ang natutulog na anak ang nakita nina Mang Kardo at Aling Untang. At sa pagnanais matiyak na tambulislis ang may likha ng ingay na nagmumula sa silid ng anak, mabilis na pumunta si Mang Kardo sa bintana at binuksan.
“Wala na ang mga tambulislis,” wika ni Mang Kardo na iginala ang paningin sa labas ng kanilang bahay.
“Tiyak, narinig nila ang ating pag-uusap kaya umalis bago tayo dumating,” sagot ni Aling Untang. “Alam mo naman ang mga nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan, hindi lamang matalas angpandinig, kung hindi pati pakiramdam!”
Dahil sa nalikhang ingay ng mga magulang sa pagbukas ng pinto,
Pagpasok sa kuwarto, pagbukas ng bintana at paguusap ng malakas, nagising si Gary. Labis ang kaniyang pagtataka dahil nakita niyang tila may hinahanap ang magulang na sila Mang Kardo at Aling Untang sa loob ng kuwarto niyang aligaga at tila may nararamdamang panganib.
At dahil alam ni Gary na galaan ng mga nilikha ang kanilang barangay, pumitik sa isip niyang baka may pumasok sa kaniyang kuwarto. Ngunit agad din isinantabi ni Gary ang naglaro sa utak dahil pumitik din sa isip na baka ang mga tambulislis ang pumasok sa kaniyang kuwarto. At tulad ng dati, biniro siya ng mga kalaro.
“Hindi ko ho matandaan kung nanaginip ako,” wika ni Gary. “Pero kung talagang nakarinig kayo ng ingay, baka nanaginip nga ako!”
“Hindi ang nalikha mong ingay sa pagpadyak ang dahilan ng pagpunta namin ng ama modito sa kuwarto, ibang ingay,” sagot ni Aling Untang. “Ingay na naghatid sa akin ng takot at pangamba!”
“Ano hong ingay, inay?” Tanong ni Gary.
“Matitinis na hagikhik,” sagot ni Aling Untang. “Ingay na kung hindi nagkakamali ang pandinig naming ng ama mo, kagagawan ng mga tambulislis!”
Itutuloy...