Ika-38 labas
“IKAWang bahala anak, kung dito ka matutulog,” wika ni Aling Untang. “Siguro nga, kaibigan at kalaro na ninyo ni Arman ang mga tambulislis kaya hindi ka na natatakot!”
“Talaga hong kaibigan na namin at kalaro ni Arman ang mga nilikhang ‘yun,” sagot ni Gary. “At hindi ko na isasara ang bintana para ‘pag nakita ng mga tambulislis na kalaro namin at kaibigan, bumalik!”
“Paano kung asuwang ang nadaan at pumasok sa kuwarto mo?” Tanong ni Mang Kardo.
“Isasara ko na ho ang bintana, pero dito ako matutulog,” sagot ni Gary. “Wala na akong naririnig na kuwento sa pagsalakay ng asuwang at iba pang nakakatakot na nilikha sa ating barangay at kalapit!”
Matapos ang ilan pang sandali ng pakikipag-usap sa anak, bumalik na sila Mang Kardo at Aling Untang sa kanilang kuwarto para mahiga at matulog. At dahil napatunayan nilang nagsasabi ng totoo ang anak tungkol sa mga nilikhang tiyak nilang pumasok sa kuwarto ni Gary at nagbiro sa pamamagitan ng pangingiliti, nawala ang agam-agam nila at pangamba. Lihim, inasam ni Gary na sana nagising siya para muling nakausap ang mga kaibigan at kalarong nilikha.
“Kung nagising ako kanina, kikilitiin ko rin sila,” wika ni Gary. “Sana inggit na inggit sa akin si Arman, kapag ikinuwento ko ang ganoong pangyayari!”
Samantala dahil nakasanayan ng mga tambulislis na umalis na sa bahay kapag nagising ang miyembro ng pamilyang biniro, muling nagpalutang-lutang ang mga nilikha sa hangin palayo sa bahay nila Gary. Dahil hindi pa napupunana ng kasiyahan ng mga nilikha sa pagbibiro, nagpasiyang pumunta sa bahay ng isa pang batang kalaro at kaibigan, si Arman. Dahil nakasanayan ng mga taga-barangay Bayan-bayan ng matulog ng maaga, mahimbing na ring natutulog si Arman sa munting kuwarto ng kanilang bahay. At tulad ng ginawa ng mga nilikha sa bahay nila Gary, sumilip ang tambulislis na si Turiray sa siwang ng bintanang gawa sa kawayan. Sumilay sa labi ng tambulislis ang matamis na ngiti dahil nakita sa loob ng kuwartong mahimbing ng natutulog ang batang balak nilang biruin sa pamamagitan ng kiliti.
“Ayos, tulog na tulog si Arman,” wika ni Turiray. “Makikiliti ko siya hanggang gusto ko!”
“Paano kung magising agad siya?” Tanong ni Malut.
“Tiyak, tulad ni Gary, hindi kaagad siya magigising dahil pagod sa maghapong paglalaro at pagpapastol ng kalabaw,” paliwanag ni Oryung. “Alam mo naman ang mga bata, parang katulad natin, pulos laro ang gustong gawin sa buhay!”
“Kung gusto mo, akong kikiliti sa kaniya,” wika ng isa pang tambulislis.
“Hindi puwede, si Turiray ang nakatokang kumiliti kay Arman,” wika ni Malut.
Dahil sa iba pang kapangyarihan at kakayanan ng mga nilikha, sa pamamagitan lamang ng dahan-dahang pagtulak ni Turiray, lumaki ang siwang ng sahig na kawayang dadaanan ng mga nilikha papasok sa loob ng kuwarto ni Arman. Dahil ang tambulislis na si Turiray ang magbibiro sa natutulog na batang sinadya ng mga nilikha, ito ang unang pumasok sa lumaking siwang ng sahig.
Makaraan lamang ang ilang sandali, nasa loob na ang lahat ng tambulislis na kabilang sa grupong pinamumunuan ni Malut para biruin si Arman. Labis na nasiyahan si Turiray ng makitang nakalabas ang dalawang paa ng batang bibiruin sa pamamagitan ng pagkiliti kahit natatakpan ng kumot ang katawan.
At bunsod ng malaking pananabik sa kasiyahang makitang nakililiti ang taong biniro, inutusan ni Malut si Turiray na gawin na ang pagbibiro sa batang lalaking itinuturing na nilang kaibigan at kalaro. Itutuloy...