Balita

Depression ’wag balewalain— DoH chief

- Ni Charina Clarisse L. Echaluce

Dapat na maging responsabl­e kapag depresyon ang pinaguusap­an.

Ito ang panawagan kahapon ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial isang araw makaraang ismolin ng TV-host at komedyante­ng si Joey De Leon ang sakit na depression sa live television.

Sinabi ni De Leon nitong Huwebes na “gawa-gawa lang ng mga tao” ang depresyon, at hindi dapat na suportahan ang mga nakararana­s nito.

“’Yung depression, gawa-gawa lang ng mga tao ‘yan, gawa-gawa lang sa sarili nila.... Hindi, hindi, ‘wag n’yong suportahan, gawa-gawa lang niya ‘yon.... Nagpapasos­yal lang. Kapag mayaman, depression. Kapag mahirap, wala, wala ka nang pag-asa sa buhay mo,” sabi ni De Leon.

Gayunman, nilinaw ni Ubial na isang sakit ang depresyon at may scientific basis ito.

“Well, sa atin sa medical profession, there is a scientific basis to diagnosis of depression. We use that, actually, to help people,” anang kalihim.

Aniya, dapat na kaagad na bigyan ng karampatan­g atensiyon ang mga taong umaamin na depressed o malungkot sila, sinabing ang “first aid” sa depression ay ang pagkausap sa taong dumadanas nito.

“‘Wag po natin isasawalan­gbahala. Kapag mayroon po tayong kasamahan sa trabaho and sa bahay na nagsasabin­g ‘ay depressed ako’, ‘ay parang nalulungko­t ako kasi feeling ko mag-isa lang ako,’ ‘wag po natin isawalang-bahala,” sabi ni Ubial. “The first aid for that is talking to them. Ang first aid, papansinin natin, bigyan natin ng importansi­ya iyong taong nag-e-express na mayroon siyang depression.”

Batay sa datos ng World Health Organizati­on (WHO), ibinunyag nitong ang kawalan ng suporta sa mga taong may sakit sa pag-iisip, na sasabayan pa ng pangamba sa stigma, ay nakapipigi­l upang malunasan ang sakit at maging normal ang pamumuhay ng mga pasyente.

Sinabi naman ng kalihim na bagamat karapatan ni De Leon ang magpahayag ng sariling opinyon, mahalaga, aniya, na maging responsabl­e rin ito sa mga sinasabi upang maiwasang makaimpluw­ensiya sa iba.

Humingi na ng paumanhin kahapon si De Leon sa publiko kaugnay ng kanyang naging komento.

Pinayuhan ni Ubial ang mga dumadanas ng depression na tumawag sa 804-HOPE (804-4673) o mag-text sa 0917-558-HOPE (0917558-4673).

Ayon sa WHO, mahigit 300 milyon katao ang dumadanas ngayon ng depression, tumaas ng mahigit 18 porsiyento sa pagitan ng 2005 at 2015.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines