Balita

UST at FEU, umusad sa beach volley tilt

-

NAPANATILI ng defending champion na University of Santo Tomas at Far Eastern University ang malinis na karta para makopo ang dalawang semi-finals berths sa UAAP Season 80 beach volleyball tournament nitong Sabado sa Sands SM By The Bay.

Ginapi ng tambalan nina Cherry Rondina at Caitlyn Viray ang karibal na sina Diana Carlos at Ayel Estrañero ng University of the Philippine­s, 21-7, 21-15, gayundin sina Bern Flora, at Chrislyn Uy ng Adamson University, 21- 9, 21- 14, para sa 5- 0 karta ng Tigresses.

Nakopo rin ng Lady Tamaraws ang ikalimang sunod na panalo matapos pabagsakin nina Bernadeth Pons at Kyla Atienza, ang karibal na Lady Falcons, 21-12, 21-14, at sina Judith Abil at Angelica Dacaymat ng University of the East, 21-10, 21-7.

Lumapit ang De La Salle at Lady Maroons sa minimithin­g Final Four tangan ang parehong 3-2 karta.

Naungusan nina Lady Spikers’ Tin Tiamzon at May Luna ang Lady Warriors, 21-17, 21-16, at sina Roma Doromal at Audrey Paran ng National University, 17-21, 21-19, 20-18.

Nakabawi naman sina Estrañero at Carlos kontra kina Bea de Leon at Jules Samonte ng Ateneo, 21-17, 21-11, para makalapit sa unang semis appearance mula nang magawa nang tambalan nina Aia del Mundo at Pau Genido noong 2012.

Sa men’s division, nagwagi sina Bryan Bagunas at James Natividad ng Bulldogs kontra kina Paolo Pablico at JP Yulde ng Falcon, 21-13, 21-18.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines