TAMBULISLIS
Ika-42 labas
KAHIT hindi likas na taga-sentro ng barangay, malayo pa sina Gary at Arman, nakilala na ng mga kababatang madalas magtambay sa lilim ng malaking punong narra. Kabilang sa mga batang nakatambay sa puno ng malaking kahoy ang magkababata at matalik ding magkaibigang sina Fermin at Warren. At tulad ng dating malakas ang ihip ng hangin, nasa papawirin na ang mga saranggolang halos araw-araw pinalilipad sa lugar ng mga batang naninirahan sa barangay.
Kahit hindi pa nagkukuwento sa mga kababata sina Gary at Arman, natiyak na nina Fermin at Warren na may bagong balita tungkol sa nilikhang tambulislis ang dumarating na matalik na magkaibigan.
“Hindi pa man, tiyak na naming nakalaro ninyo ang mga kaibigan ninyong tambulislis sa malagong kayawanan,” wika ni Fermin.
“Pero dinig ko, wala na ang matataas at malalaking kawayang tirahan ng mga tambulislis,” wika ni Warren. “Pinutol na kalalakihang kasama ni Mang Abe kaya malamang wala na roon ang mga nilikha.”
“Tama kayo,” sagot ni Gary. “Ipinagbili na ni Don Andres ang malalaki at matataas na kawayan kaya umalis na sa lugar ang mga kaibigan naming tambulislis.”
“Kung gano’n, wala kayong ikukuwentong bagong pangyayari ngayon tungkol sa mga tambulislis,” wika ni Fermin. “Mayroon,” sagot ni Gary. “Anong pangyayari?”Tanong ni Warren.
“Kakaiba itong pangyayari, kaya tiyak na magugulat kayo sa kuwento namin ni Arman,” wika ni Gary. “Hindi na kami pumunta sa bagong tirahan ng mga tambulislis, dahil kami ang pinuntahan kagabi.” “Totoo?” Tanong ni Fermin. “Totoong-totoo, hindi kami nagbibiro,” sagot ni Gary. “Gulat na gulat nga ako dahil natutulog na ako nang mahimbing nang dumating ang mga tambulislis na pinamumunuan ni Malut!”
“Ako tulog na pero nagising sa ingay ng mga tambulislis sa paglusot sa bintana ng aking kuwarto,” wika ni Arman. “At tulad ng dati, nakipaglaro na naman sila sa akin ng kilitian.”
Tulad ng dati, hindi nagkamali sina Gary at Arman sa inaasahang mangyayari kapag ikinuwento sa mga kababatang naninirahan sa sentro ng barangay ang kanilang karanasan sa mga tambulislis na kalaro at kaibigan. Dahil tulad ng dati, nakaramdam ng malaking inggit si Fermin, si Warren at iba pa nilang kababatang nakinig sa kanilang kuwento.
Muli, nakabuo ng balak ang mga kababata nilang nakatira sa sentro ng barangay na magkaroon din ng karanasan sa mga tambulislis na sinabi nina Gary at Arman. Matapos ang kuwento nina Gary at Arman, seryosong nag-usap sina Fermin at Warren sa matagal na nilang pangarap na maging kalaro at kaibigan ang mga tambulislis.
“Masyado na tayong napapagiwanan nina Gary at Arman sa pagkukuwento sa nilikhang tambulislis,” wika ni Fermin. “Sa totoo lang, inggit na inggit na ako sa mga karanasan nila sa mga nilikhang ito.”
“Ako rin, kaya lang talagang wala tayong maikukuwento dahil hindi pa tayo nagkakaroon ng kalaro at kaibigang tambulislis,” sagot ni Warren.
“Kung puntahan natin ang malaki at mataas na punongkahoy na sinasabi nina Gary at Arman na bagong tirahan ng mga tambulislis?” Tanong ni Fermin.
“Payag ako sa suhestyon mong ‘yan,” sagot ni Warren. “Malay mo may lumapit sa ating ang mga tambulislis at tulad ng ginawa kina Gary at Arman, makipaglaro sa atin.”
“Hindi malayong mangyari ang gano’n dahil sa kuwento, likas na mahilig ang tambulislis na makipaglaro sa mga bata,” wika ni Fermin.
Itutuloy...