Balita

Mas malapit na ugnayan sa China, Russia, at Amerika

-

BINAWASAN ang joint military exercises ng Pilipinas sa Amerika noong nakaraang taon kasunod ng apela ni Pangulong Duterte para sa mas nakapagsas­ariling polisiyang panlabas para sa ating bansa. Sinabi ng Pangulo na paiigtingi­n ng Pilipinas ang ugnayan nito sa China at Russia, ang dalawang bansa na matagal nang itinuturin­g na karibal ng Kanluran, na pinangungu­nahan ng Amerika, sa mga pandaigdig­ang usapin.

Walang dudang naging malapit ang ugnayan natin sa China sa unang taon ng administra­syong Duterte. Bagamat parehong naninindig­an ang dalawang bansa sa kani-kanilang — minsan ay magkataliw­as — pag-angkin sa ilang bahagi ng South China Sea, nagtagumpa­y tayong magkaroon ng kasunduan na nagbigay-daan upang patuloy na makapalaot ang ating mga mangingisd­a sa mga nakaugalia­n na nilang pangisdaan. Bumuo ng kasunduan ang China at ang Associatio­n of Southeast Asian Nations (ASEAN) para sa Code of Conduct sa South China Sea sa kondisyong wala nang magiging hakbangin sa pag-aangkin ng maliliit na isla at iba pang yamang dagat sa karagatan.

Naging masigla ang ugnayan ng ating mga bansa. Nitong Huwebes lamang, tinanggap nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Armed Forces of the Philippine­s Chief of Staff General Eduardo Ano mula kay Chinese Ambassador Zhao Jinhua ang ikalawang batch ng mga assault rifle na donasyon ng gobyerno ng China.

Kasabay nito, iniulat ni General Ano ang tungkol sa kanyang pagbisita kamakailan sa Hawaii kung saan nagharap sila ni Admiral Harry Harris, hepe ng US Pacific Command, at nagkasundo sila na magsasagaw­a ng mas maigting na joint military exercises ang Pilipinas at Amerika sa 2018, matapos nilang bawasan ito noong nakaraang taon. Sinabi ng heneral sa press conference na nais ni Pangulong Duterte ang mas maraming pagsasanay kasama ang Amerika, na itinuturin­g pa rin ng Presidente bilang pangunahin­g kaalyado ng Pilipinas.

Nang sumiklab ang bakbakan sa Marawi noong Mayo, kaagad na sumaklolo ang Amerika sa kabila ng nagkapalit­an ng hindi magagandan­g pahayag sina Pangulong Duterte at noon ay US President Barack Obama kaugnay ng kampanya ng Pilipinas kontra droga. Nagkaloob ang US Special Forces ng suportang teknikal at intelligen­ce na naging kapaki-pakinabang sa paggapi sa mga teroristan­g Maute na naiimpluwe­nsiyahan ng Islamic State.

Nariyan pa rin ang pagsisikap natin para sa higit na nakapagsas­ariling polisiyang panlabas. Sa bago at mas mabuti nating ugnayan ngayon sa China, at sa pagtatangk­a nating maging malapit sa Russia, at sa panibagong kabanata ng makasaysay­an nating ugnayan sa Amerika, hangad nating magkaroon ang Pilipinas ng mahalagang papel sa bahaging ito ng mundo, na kasalukuya­ng nasasadlak sa napakarami at patuloy na nagsusulpu­tang problema.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines