Muling pagbuhay sa sining ng ‘taka’ sa kasalukuyang panahon
KARANIWAN nang ang nagiging kapalaran ng isang tao ay may impluwensiya sa klase ng pagkabata na kanyang naranasan. Ang pagkahilig at pagkamangha sa “taka” o sa sining ng papier mache, ay naging kinahumalingang sining, isang inspirasyon, at isang pagbabalik-alaala para sa dating advertising professional at negosyante na ngayong si Mary Velmonte.
Kamakailan, inilunsad niya ang “Takatak Project” — isang workshop para sa sining ng paggawa ng taka — sa Metropolitan Museum of Manila (MET) sa tabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas Complex sa Maynila.
Layunin ng “Takatak Project” na muling ipakilala sa mga Pilipino ang paggawa ng taka, mula sa pagdidisenyo hanggang sa pagkakabit ng palamuti sa mga obra, na maaaring may iba’t ibang hugis o anyo; mula sa pinakakilalang porma ng kabayo, at maging dekorasyong Pamasko.
Bata pa lamang ay gumagawa na ng taka si Mary. “Lumaki akong pinanonood ang makukulay na kabayong ito sa children’s show na ‘Batibot’, at noon pa man ay nagustuhan ko na sila. Naging inspirasyon ko ‘yun para matutuhan din ang taka hanggang sa lumaki ako,” kuwento ni Velmonte.
Mulat ang kanyang pamilya sa mga usapin ng sining at kasaysayan, ayon kay Velmonte, na sa nakalipas na limang taon ay nagdaraos ng mga workshop sa paggawa ng taka tuwing Sabado at Linggo.
“Dahil dati ako sa corporate world, nauumay na ‘yung mga katrabaho ko sa pakikipagtitigan sa computer maghapon, at gusto nila ng diversion. Nang makatagpo ako ng mga collaborators, nakilala kami, hanggang inalok na kaming ibenta kung saan-saan ang aming mga taka. ‘Yung reaksiyon, eh kasabay ng pagsirit ng demand,” paliwanag ni Velmonte.
Hindi naman nasayang ang mga pagsisikap ng grupo ni Velmonte at nagustuhan ng napakarami at iba-ibang tao ang kanilang sining. “Bigla na lang, interesado na ang mga tao. Para sa akin, parang kawalang konsiderasyon naman ‘yun sa nakababatang henerasyon kung hindi sila pamilyar sa taka-making. At kami, wala man lang kaming gagawin ngayong halos naglaho nang lahat ang mga orihinal na taka-makers,” ani Velmonte.
Para kay Velmonte, ang “Takatak Project” ay una, nagbibigay ng kaalaman sa pamamagitan ng mga workshop na idinadaos sa mga eskuwelahan at museo; ikalawa, nagtutulung-tulong ang kanyang grupo mula sa pagiging artists hanggang sa maging taka-maker; at ikatlo, lumilikha sila ng trabaho para sa mga artists na gaya nila.