Balita

Ang maaari nating matutuhan sa survey

-

SA nakalipas na mga araw ay may kani-kaniyang opinyon ang mga opisyal at iba pang nagkokomen­to tungkol sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagpakita ng pagbulusok sa satisfacti­on at trust ratings ni Pangulong Duterte.

Gaya ng inaasahan, binigyang-diin ng mga kritiko ng administra­syon ang negatibong bahagi ng resulta ng survey, habang minaliit naman ng mga loyalista ang pagbabang ito, iginiit ang positibong anggulo, at tinayang makakabawi rin ang Presidente sa susunod na survey. Ang katotohana­n, may kani-kaniyang anggulo talaga para sa mga resulta ng survey.

Sa mga survey sa pagitan ng Hunyo at Setyembre, may malaking 18 puntos na pagbaba sa net satisfacti­on rating ng Pangulo — mula sa 66 ay naging 48 porsiyento. Bumaba naman ng 15 puntos — mula sa 75 ay naging 60 porsiyento — ang kanyang trust rating. Gayunman, ang huling satisfacti­on rating ay ikinokonsi­dera pa ring “good” ng SWS at “very good” naman ang trust rating.

Giit naman ni Presidenti­al Spokesman Ernesto Abella, karaniwan na sa lahat ng presidente ang pagbaba ng ratings makalipas ang isang taon sa puwesto. Natural lang sa mamamayan na pagbigyan sa simula ang bagong pangulo na nasa “honeymoon period”. Marahil tapos na nga ang honeymoon period, “but the love is still here,” sabi ni Abella.

Gayunman, binigyang-diin ng panig ng oposisyon na ang pagbulusok ng ratings, bagamat inaasahan sa mga panahong ito, ay mas mabilis kaysa karaniwang pagbaba kumpara sa ibang presidente. Naitala ang pagbulusok ng satisfacti­on at trust ratings sa lahat ng sektor, na ang pinakamala­king pagkadisma­ya — sa pagdausdos na 32 puntos—ay sa Class E, o ang pinakamahi­hirap sa Pilipinas at matagal nang itinuturin­g na mass base ni Pangulong Duterte.

Naniniwala ang ilan na dahil ito sa paniniwala­ng karamihan sa naapektuha­n ng malawakang kampanya kontra ilegal na droga, na ipinatupad ng Philippine National Police (PNP), ay mahihirap. Nagpalabas ng memorandum nitong Oktubre 10 si Pangulong Duterte na nagsasaad na ang lahat ng anti-drug operation ay pangangasi­waan na ng Philippine Drug Enforcemen­t Agency (PDEA), na aayudahan naman ng PNP.

Mistulang tumutok ang unang taon ng administra­syon sa kampanya kontra droga. Tunay na isang napakalaki­ng problema nito na nangangail­angan ng buong puwersa ng pagpupursi­ge ng gobyerno upang tuluyan na itong masugpo alang-alang sa kinabukasa­n ng kabataan ng bansa. Subalit maraming iba pang problema ang nangangail­angan ng atensiyon ng pamahalaan, partikular na ang nilulumot nang suliranin sa kahirapan.

Ang pagdausdos ng ratings ay maaaring may kinalaman din sa pagkabigo ng maraming mahihirap sa kanilang inasahan na magiging maginhawa na ang kanilang mga buhay sa pagkakaroo­n ng maraming trabaho, sagana at abot-kayang pagkain sa hapagkaina­n, at pinagibayo­ng serbisyo ng gobyerno, gaya ng maayos na transporta­syon. Kaya naman inaantabay­anan na ang “Build, Build, Build” infrastruc­ture program para sa malawakang paggastos ng gobyerno, na posibleng magpasigla sa ating pambansang ekonomiya sa paraang mararamdam­an maging ng mahihirap.

Ang kampanya kontra droga, laban sa kurapsiyon, para sa mas nakapagsas­ariling polisiyang panlabas, at para sa mas malapit na ugnayan ng Pilipinas sa mga kalapit nating bansa ay pawang mahalaga. Ngunit dapat nang tutukan ng gobyerno ang matagal nang pinakahihi­ntay na mga reporma at programa na magkakaroo­n ng direktang epekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino, partikular ng mahihirap. Ito marahil ang nais iparating ng mamamayan sa pamahalaan kung pagbabatay­an ang resulta ng huling SWS survey.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines