Hindi maaaring maliitin
SA kabila ng hindi kanais-nais na mga ulat hinggil sa sinasabing pagnanakaw at pagsasamantala ng ilang kasambahay o household helpers, lalong sumisidhi ang aking paniniwala na ang kanilang pagseserbisyo ay hindi maaaring maliitin. Ang kanilang pagsisikap ay laging nakatuon sa kagalingan at kapakanan ng mga ama, ina at iba pang miyembro ng pinaglilingkuran nilang mga pamilya.
Totoo na sa isang ulat kamakailan, isang katulong ang umano’y tumangay ng salapi at libu-libong pisong halaga ng mga alahas at gadgets ng isang mag- asawa. Isipin na ilang araw pa lamang na namamasukan ang naturang kasambahay na nagmula sa isang employment agency; na sa kalaunan ay hindi malayong simutin ang mga ari- arian ng kanilang mga pinaglilingkuran.
Gayunman, maniniwala ako na ang gayong kasuklam-suklam na gawain ay maituturing na isolated o paisa-isa lamang. Hindi ito nakaaapekto sa huwaran at matinong pagseserbisyo ng higit na nakararaming mga kasambahay.
Maliwanag na hindi ito naging hadlang upang isulong sa Kamara ang isang panukala na nagtatakda sa Enero 18 ng bawat taon bilang “Araw ng mga Kasambahay”. Isa itong non-working holiday para sa lahat ng house helpers sa buong bansa bilang pagpapahalaga sa kanilang matapat at natatanging serbisyo sa pinaglilingkuran nilang mga pamilya. Ito ang pagkakataon upang sila ay makapagliwaliw at makadalo sa makatuturang okasyon na nais nilang daluhan.
Ang naturang okasyon ay nakaangkla sa Domestic Workers Act na nilagdaan noong Enero 18, 2013; nagbibigay ito ng benepisyo sa 2.9 million domestic household workers sa buong kapuluan at maging ng iba pang kasambahay na namamasukan sa iba’t ibang bansa. Kinikilala ng naturang batas ang mahalagang misyon ng mga katulong sa lipunang Pilipino.
Ang mga domestic worker, lalo na ang milyun- milyong naglilingkod sa ibang bansa, ay nakatulong nang malaki sa pagsagip sa ating lupaypay na ekonomiya sa pamamagitan ng bilyun- bilyong dolyar na ipinadadala nila sa bansa. Naging batayan ito upang sila ay taguriang mga buhay na bayani ng lahing Pilipino. Dinakila sila ng lahat ng nakalipas na administrasyon, lalo na ng kasalukuyang pangasiwaan na kamakailan lamang ay nagpatibay ng isang Executive Order na lumilikha ng Overseas Filipino Workers Bank (OFWB) na magiging kaagapay ng nasabing mga manggagawa sa ibang lupalop at sa kanilang mga pamilya na naririto.
Totoong hindi maaaring maliitin ang mga kasambahay lalo na kung iisipin na marangal din ang kanilang hanapbuhay; na sila ay marapat ituring na matapat na miyembro ng pinaglilingkuran nilang mga pamilya.