TAMBULISLIS
Ika-47 labas
HINDI na muling nag-usap sina Fermin at Warren tungkol sa naramdamang mahiwagang pangyayari tuwing titiradurin ang mataas at malaking punongkahoy. Sa halip, mabilis silang tumakbo palayo sa lugar sa hinalang gawa ng tiyanak ang nagaganap tuwing lalapastangin nila ang punongkahoy.
Dahil lihim na sinusubaybayan ni Mang Edgardo ang pagpunta ng dalawang bata sa mataas at malaking punongkahoy na bagong tirahan ng mga nilikhang tambulislis, nakita niya ang mabilis na pagtakbo nina Fermin at Warren. Dahil sa akalang may humahabol na nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan, kaagad bumaba sa bahay niya si Mang Edgardo at humarang sa daraanan ng dalawang bata.
Nang nakakita ng ibang taong maaaring tumulong kung may humahabol na nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan, tumigil sina Fermin at Warren sa pagtakbo palayo sa malaki at mataas na punongkahoy.
“Bakit para kayong hinahabol ng sandamukal na nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan?” tanong ni Mang Edgardo.
“Tumakbo ho kami palayo sa mataas at malaking punongkahoy dahil may sumusundot sa aming kilikili tuwing titiradurin namin,” sagot ni Fermin.
“Baka ho tiyanak ang gumagawa noon sa amin, kaya mabilis kaming tumakbo palayo ni Fermin,” wika ni Warren.
“Naku, hindi nangingiliti ang tiyanak,” sagot ni Mang Edgardo. “Kaya tiyak, tambulislis ang gumawa noon.” “Totoo ho?” tanong ni Fermin. “Totoong-totoo,” sagot ni Mang Edgardo. “Dahil kung ibang nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan ang gumawa noon, sinaktan na kayo.”
Hindi sumagot o nagbigay ng komentaryo sina Fermin at Warren sa sinabi ni Mang Edgardo dahil alam nilang totoo ang sinabi ng may-edad na kabarangay. Kaya sa halip na magtanong, sabay na lang silang napalingon sa malaki at mataas na punongkahoy na sinasabi nina Gary at Arman na bagong tirahan ng mga tambulislis.
Habang nakatanaw sa malaki at mataas na puno, nakaramdam sina Fermin at Warren ng pagtataka sa ginawa sa kanila ng nilikhang gusto nilang maging kaibigan at kalaro. Lihim din, nakaramdam ng malaking panghihinayang sina Fermin at Warren sa pag-alis sa malaki at mataas na punongkahoy na natiyak na nilang tirahan ng nilikhang gustunggusto nilang makalaro at maging kaibigan.
“Ano bang pakay ninyo sa mga tambulislis?” tanong ni Mang Edgardo.
“Gusto ho naming maging kalaro at kaibigan ang mga nilikhang ‘yun,” sagot ni Fermin. “Naiinggit kami kina Gary at Arman na nakalaro na at naging kaibigan ang mga tambulislis.”
“Gusto rin ho naming magkaroon ng karanasan sa tambulislis kaya pumunta kami sa mataas at malaking kahoy. Ngunit matagal na kaming nasa harap, wala pang lumilitaw,” paliwanag ni Warren.
“Kaya pinaulanan ninyo ng bala ng tirador?” tanong ni Mang Edgardo na tinanaw ang punongkahoy.
“Gano’n na nga po,” pag-amin ni Fermin. “Inisip ho kasi naming tiyanak ang kumiliti sa aming kilikili.”
Kahit gustong bumalik nina Fermin at Warren sa malaki at mataas na punongkahoy, na ayon kina Mang Edgardo, Gary at Arman, ay bagong tirahan ng mga nilikhang tambulislis, tuluyan na silang umalis sa lugar. Pinakinggan nila ang sinabi ng may-edad na kabarangay na huwag nang bumalik sa punongkahoy dahil tiyak na hindi makikipaglaro sa kanila ang hinahanap na nilikha.
Kahit nasalubong nina Fermin at Warren sa paglalakad pabalik sa sentro ng barangay sina Gary at Arman na magpapastol ng kalabaw, hindi nila ikinuwento ang naganap. Dahil nagtaka sa biglang pagpunta ng dalawang kababata sa kanilang lugar, napahabol ng tingin sina Gary at Arman kina Fermin at Warren na patuloy sa paglalakad pabalik sa sentro ng barangay.
Itutuloy...