Balita

Andanar sa Tindig: Napapirma n’yo ba si PNoy?

- Ni GENALYN D. KABILING

Inakusahan ng Malacañang ang grupo ng oposisyon ng pagkakaroo­n ng “double standard” nang igiit ng mga ito na pumirma si Pangulong Duterte sa isang waiver upang mabusisi ang mga bank account nito.

Sinabi ni Presidenti­al Communicat­ions Secretary Martin Andanar na bagamat iginigiit ng Tindig Pilipinas ang paglagda ng Presidente sa bank waiver, bigo naman ang mga miyembro nito na kumbinsihi­n si dating Pangulong Benigno S. Aquino III na isapubliko ang bank records nito ilang taon na ang nakalilipa­s.

“Napapirma n’yo ba si Pangulong Noynoy Aquino noon, noong siya ay sinabihang mag-waiver ng bank account? Hindi n’yo naman pinapirma,” sinabi ni Andanar ng kapanayami­n sa radyo.

“Anong tawag d’yan? Ngayon, sisigaw kayo pipirma-pirma. Ang tawag ko d’yan ‘double standard’,” dagdag niya.

Naglunsad kamakailan ang Tindig Pilipinas, koalisyon ng mga grupong kumokonden­a sa umano’y extrajudic­ial killings (EJKs) at iba pang mga pag-abuso ng administra­syong Duterte, ng petisyon na humihiling kay Pangulong Duterte na pumirma ng bank secrecy waiver upang tuluyan nang mapabulaan­an ang isyu sa umano’y tagong yaman nito. Kabilang sa grupo ang mga kaalyado ng Liberal Party, ang partido pulitikal ni Aquino.

Sa presidenti­al campaign noong 2010, napaulat na sinabi ni Aquino na handa siyang buksan ang kanyang bank accounts sakali man na may kumukuwest­iyon sa kanyang integridad.

Subalit nang maluklok na sa puwesto, idineklara ni Aquino na hindi siya pipirma sa waiver, at sinabing maaari namang busisiin ang kanyang mga ari- arian batay sa Statement of Asset, Liabilitie­s and Net Worth (SALN) na isinumite niya sa Office of the Ombudsman.

Kasalukuya­ng iniimbesti­gahan si Duterte ng Office of the Ombudsman sa umano’y pag-iingat ng bilyun-bilyong piso sa mga sekretong bank account, batay sa reklamo ni Senator Antonio Trillanes IV.

Samantala, iginiit ni Andanar na si Trillanes na ang bahalang patunayan ang alegasyon nito ng nakaw na yaman laban kay Duterte.

“Si Senator Trillanes naman ang nagsabi na meron dalawang milyon, etcetera. Siya ang nagsabi so the burden is with Senator Trillanes to prove ‘yung kanyang sinasabi,” ani Andanar.

Bukod dito, sinabi ni Andanaw na ang bank waiver na inisyu ng Pangulo noong Mayo ay “still effective today”, base sa pahayag ni Chief Presidenti­al Legal Counsel Salvador Panelo.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines