Balita

Isa sa kada 3 Pinoy dumadanas ng problema sa pag-iisip

- Department of Health

ISA

sa bawat tatlong Pilipino ay mayroong problema sa pag-iisip, ayon sa isang psychiatri­st sa National Academy of Science and Technology (NAST), na nanawagan sa mas pursigidon­g pagsisikap ng gobyerno para maging bukas sa lahat ang mental health care sa buong bansa.

Inihayag ni University of the Philippine­s-College of Medicine professor emeritus Dr. Lourdes Ignacio, na nakatangga­p ng Geminiano T. De Ocampo Visionary Award for Medical Research 2017 mula sa NAST nitong Huwebes, na aabot sa 28.48 milyong katao sa mula sa 110 milyong Pilipino ang nakakarana­s ng problema sa pag-iisip.

Sinabi ni Ignacio na napag-alaman niya ang pagtayang ito sa survey na isinagawa ng UP Philippine General Hospital sa Western Visayas mahigit 20 taon na ang nakalilipa­s, kung saan 36 na porsiyento sa populasyon ay nakararana­s ng problema sa pag-iisip.

Inilahad ni Ignacio na ang sukdulan ng problema ay nakita sa iba pang isinagawan­g survey sa mga munisipali­dad, gaya ng mga lugar na sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’ noong 2013, partikular sa Marabut, Samar at sa mga bayan ng Carles at Estancia sa Iloilo.

Ayon sa kanya, aabot lamang sa limang porsiyento o 4.45 milyong kaso ang namataan sa mga public health worker at nabigyan ang mga ito ng kaukulang pangangala­ga sa kalusugan ng pag-iisip.

Sa kanyang lecture sa “Reaching the Unreached: Integratin­g Mental Health Care in General Health Care” sa mga national academian at mga national scientist ng NAST nitong Huwebes, sinabi ni Ignacio na karaniwan nang dumaranas ng psychiatri­c problems ang mga bumalik na overseas Filipino worker (OFW) at mga naapektuha­n ng kalamidad, gayundin ang mga pamilyang mayroong abusadong mga magulang, dahil sa “extreme life experience­s” ng mga ito.

Ang “extreme life experience­s”, na inilarawan ni Ignacio sa pamamagita­n ng pamumuhay na malapit sa mga trahedya, karahasan sa tahanan, terorismo, aniya, ay bahagi ng buhay ng mga Pilipino.

Idinagdag pa ni Ignacio na kailangang paigtingin ang pagsusuri sa mga kaso ng mental health upang maagapan ang mga ito at hindi mauwi sa psychiatri­c disorders.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines