Balita

Motorsiklo vs jeep: 1 patay, 7 sugatan

- Mary Ann Santiago

Patay ang isang rider habang sugatan ang angkas nito at anim na iba pa sa salpukan ng motorsiklo at ng pampasaher­ong jeep sa Barangay Salapan, San Juan City kamakalawa.

Kinilala ang nasawi na si Dominic Penaflor, nasa hustong gulang, ng Washington Street, Makati City, na naipit sa bumper ng jeep at sa poste ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).

Sugatan naman ang backride at kaanak ni Penaflor na si John Michael Penaflor Valtar, 17, ng 14-G. Reyes St., Bgy. Salapan, gayundin ang anim na pasahero ng jeep na sina Joseph Tisoy, 32; ng Marikina City; asawa niyang si Aiza Tisoy, 27; at anak nilang si Jessa Tisoy, 5; Fernando Noveno, 39, bus driver; Rogelio Buenavista, 48, ng Tondo; at Evelyn Velasco, 55, ng Antipolo City.

Hawak na ng awtoridad ang driver ng Isuzu passenger jeepney (TXD-550) na si Rodel Ventura, 32, ng 278 Quintana Extension, Sta. Mesa, Maynila at sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries, at damage to property.

Sa ulat ng San Juan City Police, naganap ang aksidente sa Aurora Boulevard, kanto ng G. Reyes Street sa Bgy. Salapan, dakong 3:30 ng madaling araw.

Ayon kay Erwin Absalon, saksi, binabagtas ni Ventura ang Aurora Boulevard at pagsapit sa naturang lugar ay nahagip niya ang motorsiklo (ND-37036) ni Penaflor na noon ay nag-u-U-turn naman.

Nakaladkad ang motorsiklo hanggang sa tuluyang bumangga sa poste ng LRT- 2, at naipit si Penaflor.

Mabilis namang tumakas ang suspek sa takot na makuyog ng mga tao sa lugar, ngunit kalaunan ay sumuko rin sa awtoridad.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines