Pagtatanggol sa mga OFW
(Una sa dalawang bahagi)
NOONG nakaraang linggo ay inilathala ang isang ulat ng World Bank (WB) na pumupuri sa pamamahala ng pamahalaan sa mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat, mas lalong kilala bilang overseas Filipino worker (OFW). Ayon sa ulat na pinamagatang “Migration to Opportunity: Overcoming Barriers to Labor Mobility in Southeast Asia,” isang huwaran ang Pilipinas sa mga polisiya na nauukol sa mga manggagawa sa ibang bansa.
Alam natin na ang Pilipinas ay isa sa mga pinakamalaking pinanggagalingan ng mga manggagawa. Tinatayang nasa 10 milyong Pilipino na naghahanapbuhay sa 170 bansa. Ang opisyal na bilang na mula sa Philippine Statistics Authority, batay sa mga kontrata sa paggawa ay 2.2 milyon, ngunit hindi kasama rito ang mga walang dokumento.
Ang pagdami ng mga OFW ay dahil sa kakulangan ng oportunidad sa hanap-buhay sa bansa at ang hangarin ng mga Pilipino na matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Naging mahalaga rin ang kontribusyon ng mga manggagawa sa ibang bansa sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Halimbawa, iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na sa buwan ng Hunyo 2017, umabot sa $2.46 billion ang perang ipinadala ng mga OFW sa Pilipinas, mas mataas ng 5.7 porsiyento kung ihahambing sa remittances noong Hunyo 2016.
Pinuri ng WB ang pagsisikap ng pamahalaan na mapabuti ang kampanya sa impormasyon, maging ang mga trabahong maaaring pasukan, at ang pakikipag-ugnayan sa mga bansang tumatanggap ng mga OFW. Sa nakalipas na mga panahon, maraming manggagawang Pilipino ang nakaranas ng pang- aabuso sa ibang bansa. Nangyayari pa rin ito sa kasalukuyan, ngunit mas mabisa na ang pagkilos ng mga ahensiya kaysa noong nakaraang dalawang dekada. Binanggit nito ang maraming batas at regulasyon para sa proteksiyon mg mga OFW, lalo na ang mga kasambahay.
Pangunahin dito ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 (RA8042), na ipinasa noong aking unang termino sa Kamara de Representantes. Inamyendahan ito noong 2007 sa pamamagitan ng RA 9422 upang palakasin ang pananagutang pang-regulasyon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Ako ang Speaker ng Mababang Kapulungan noon at isinulong ko ang pag-aayos sa maraming butas sa dating batas.
Bilang isang senador noong 2010, binagong muli ang nasabing batas sa pamamagitan ng RA 10022. Sang-ayon ako sa sinabi ng World Bank na ito ang pinakamahalagang lehislasyon ng Pilipinas ukol sa mga migranteng manggagawa.
Isa sa mga isyu na binigyang-diin ko noon ay ang tila hindi pagpansin ng mga konsul at iba pang opisyal na diplomatiko sa pangangailangan ng mga OFW.
Bilang tagapangulo ng Senate Foreign Relations Committee, sinabi ko na ang mga ulat ukol kakulangan ng pagpapahalaga ng mga opisyal ng konsulado at embahada ay sumisira sa imahe ng mga matitinong lingkod-bayan sa foreign service. ...
Lagi kong ipinaglalaban ang kapakanan ng mga OFW. Sa aking paglilingkod bilang mambabatas, isinulong ko ang paglalagda ng polisiya upang pangalagaan ang interes ng mga OFW. Bilang isang negosyante naman sa real estate, nakita ko ang kasipagan at katatagan ng ating mga kababayan na tinitiis ang pangungulila, pang-aabuso at diskriminasyon upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya.
Ang unang bumili ng bahay sa akin ay maybahay ng isang OFW mula sa pinagpaguran sa ibang bansa. Ang pagtitiwala at pananagutang ito ay siyang humugis sa aking pananaw sa negosyo at sa paglilingkod sa bayan. (Ipadala ang reaksiyon sa: mbv.secretariat@gmail. com o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)