TAMBULISLIS
Ika-51 labas
SAMANTALA,
dahil mahigit dalawampung taong nawala sa kanilang barangay, tila batang sabik na sabik si Mang Daniel sa mga kuwento ng kumpare, kababata at matalik na kaibigang si Mang Edgardo tungkol sa iba’t-ibang pangyayari sa lugar nilang sinilangan. Kaya tulad ng dapat asahan, naikuwento ni Mang Edgardo ang mga pangyayaring may kinalaman sa mga nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan. Mga nilikhang kinabibilangan ng orokotok, asong malindig, asbo, bonggo at tambulislis na tulad ng maraming batang lalaki sa panahon ng kanilang kamusmusan, ninais maging kaibigan at kalaro.
Hindi rin nakaligtaang ikuwento ni Mang Edgardo ang naganap sa trabahador na si Omeng na natagpuang patay sa koprahan. Dahil isinilang at lumaki sa barangay Bayan-bayan, pinaniwalaan ni Mang Daniel ang kuwento ni Mang Edgardo na kagagawan ng tambulislis ang kamatayan ng trabahador na dumayo sa barangay nila para makipagtrabahuhan sa koprahan.
“Kung namatay na masaya ang mukha at nakangiti, tiyak na sa kiniliti siya ng mga tambulislis,” wika ni Mang Daniel. “Hindi lang iilang beses ng may ganiyang pangyayari sa ating barangay, hindi ba pare?”
“Tama ka, pare,” sagot ni Mang Edgardo. “Kaya tiyak, namatay si si Omeng sa pagkiliti ng mga tambulislis dahil maysakit sa puso!”
“Ikaw pare, napaglaruan na bang mga nilikhang ‘yun?” Tanong ni Mang Daniel.
“Ay naku, pare, hindi lang minsan ako kiniliti ng mga nilikhang ‘yun kaya kahit natutulog ng mahimbing napapadyak ako ng malakas,” sagot ni Mang Edgardo. “Kaya nag-isip ako ng paraan kung paano hindi makikiliti ng mga tambulislis!”
“Anong naisip mong paraan mo, pare?” Tanong uli ni Mang Daniel.
“Magsuot ng susong-susong medyas para hindi malantad ang talampakan sa pagbibiro ng tambulislis,” sagot ni Mang Edgardo. “At epektibo ang ginawa ko dahil hindi tinatanggal ng mga nilikhang ‘yun ang isinuot kong proteksyon sa aking dalawang paa!”
“Pare, ganoon daw talaga ang tambulislis, hindi tulad ng ibang nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan na gumagawa ng paraan para magawa ang gusto sa tao,” paliwanag ni Mang Daniel.
Dahil nalibang ang magkumpare, magkababata at matalik na magkaibigan sa pagkukuwentuhan sa iba’t-ibang paksa, hindi sila nainip sa paghihintay na maluto ang tatlong klaseng putaheng niluto ni Mang Edgardo para gawing ulam at pulutan. At tulad ng ibang kusinero, tinikman niya ang lasa ng mga putaheng niluto at ng matiyak na tama ang timpla sa nais nilang sarap at linamnam, kumain na sina Mang Edgardo at Mang Daniel ng gabihan. Dahil abalang-abala sa pagkain at kuwentuhan, hindi naulinigan nina Mang Edgardo at Mang Daniel ang nalilikhang ingay ng mga tambulislis na lumapit at naglaro sa sasakyang nakaparada sa harap ng bahay ng una na paborito nilang biruin. Dahil walang masamang intensyon sa tao kung hindi magbirosa pangingiliti, inusyuso lamang ng mga nilikha ang sasakyan. At kahit natutuwa sa
Magaganap kapag pinipindot ang pito ng gulong, hindi ito pinakialaman ng mga nilikha.
“Pare, kukunin ko sa sasakyan ‘yung dala kong yelong nakalagay sa ice box,” wika ni Mang Daniel. “Nasabik ako ng husto at natuwa sa ating muling pagkikita kaya nalimutan ko!”
“Sasamahan na kita, pareng Daniel,” sagot ni Mang Edgardo.“Baka magustuhan kang biruin ng mga nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan!”
Matapos tumindig sa bangkong kawayan ng mesa, dinampot ni Mang Edgardo ang gasera na nakasabit sa pakong nasa ulunan nila ni Mang Daniel. At dahil siya ang may dala ng ilaw, siya rin ang naunang naglakad papunta sa balkon ng bahay.
Dahil nakita sina Mang Edgardo at Mang Daniel, ginamit ng mga tambulislis ang kapangyarihang tagabulag para hindi makita ng dalawang lalaking patungo sa sasakyan. Dahil sa gaserang hawak ni Mang Edgardo, hindi na kinailangan kapain ni Mang Daniel ang susian sa pinto ng kaniyang sasakyan para mabuksan. At sa tulong pa ng liwanag ng gasera, agad niyang nakita at nakuha ang ice box na nasa hulihang upuan ng magara at mamahalin niyang sasakyan. Itutuloy...