Balita

Suspek sa 2 pagpatay, dinakma sa boga

- Jun Fabon

Mabibigyan na ng hustisya ang dalawang biktima ng pagpatay matapos na maaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD)Station 5 ang iisang suspek sa dalawang krimen, dahil sa pagdadala ng baril, sa Quezon City iniulat kahapon.

Sa report ni Supt. Louise Benjie Tremor, hepe ng QCPD-Station 5 (Cubao), kinilala ang suspek na si Arlen Jumawan, alyas “Toto”, 38, house painter, ng Barangay E. Rodriguez, Cubao.

Lumitaw sa imbestigas­yon ni Supt. Rodel Marcelo, ng Criminal Investigat­ion and Detection Unit (CIDU), na dakong 4:00 ng hapon nitong Huwebes nang matimbog ng mga awtoridad si Jumawan sa loob ng Baliwag bus terminal sa EDSA, sa panulukan ng New York Street at E. Rodriguez Avenue sa Cubao.

Nauna rito, natiyempuh­an ni Babylyn Poblete si Jumawan sa naturang terminal. Si Jumawan ang umano’y pumatay sa asawa ni Babylyn na si Joven Poblete nitong Setyembre 27, sa Sitio San Roque 2, Brgy. Pagasa.

Habang nakikipagt­alo kay Jumawan, naitimbre na ni Babylyn kay Supt. Tremor ang kinaroroon­an ni Jumawan hanggang sa rumesponde ang mga pulis at inaresto ang suspek.

Si Jumawan din umano ang suspek sa pamamaril at pagpatay kay Rodel Palana nitong Setyembre 24 sa Sitio San Roque, Bgy. Bagong Pagasa.

Bukod sa dalang baril, nakumpiska rin umano ng mga awtoridad mula kay Jumawan ang 11 bala sa coin purse nito, kaya kakasuhan din siya ng illegal possession of firearms and ammunition­s.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines